Celebrity Life

Alden Richards on Marian Rivera: 'Isa siya sa mga pinakatotoong tao sa showbiz'


Noong 2013, nagpaalam na si Alden Richards kina Tisoy at Jerome. Ngayong 2014, ibang Alden Richards na ang matutunghayan sa kanyang pagganap bilang Yago sa Carmela: Ang Pinakamagandang Babae sa Mundoing Ibabaw at makakatambal niya ang Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera.

Matapos ipagdiwang ang Bagong Taon, nagdiwang din si Alden noong January 2 ng kanyang ika-22 kaarawan. Simple at “chill” lang daw ang kanyang naging celebration. Nagsimba siya at nagdinner kasama ang kanyang pamilya.

Ano ang pinaka hindi niya malilimutang regalo na natanggap sa kanyang kaarawan?

Anang Kapuso hunk, “Peace of mind, kasi nitong 2013, masyadong madaming naging stress, hindi lang halata. After I did the 2014 countdown sa MOA, nung nag- 5, 4, 3, 2, 1, 0, hininga ko na lahat ng stress at iniwan sa 2013. 2014 is a brand new start, a brand new life.”

Kaakibat nito ang panibagong imahen ni Alden sa harap ng camera. Pagbabahagi niya, “Mas mature at change image [ako] ngayon kasi siyempre, Primetime Queen, the one and only Marian Rivera [ang makakasama ko]. Hindi na puwede yung acting-Tisoy or acting-Jerome dito. Acting-Yago na ‘to.”

Nabanggit ni Alden na mas pinag-aralan niya ang kanyang karakter ngayon dahil hindi ito katulad ng mga “good boy” roles na nagampanan niya dati katulad ni Tisoy sa One True Love at Jerome sa Mundo Mo’y Akin.

Ayon kay Alden, “This time, nagresearch ako ng mga actors sa Hollywood, actors dito and a little bit of everything. A little bit RDJ (Robert Downey, Jr.), a little bit na Chris Evans, a little bit na Robin Padilla para maging mas dynamic ‘yung character ni Yago. Medyo bad boy!”

Ayon sa mga dating interviews ni Alden dati, magkahalong kaba at excitement ang nadama niya nang malamang si Marian Rivera ang kanyang makakatambal. May kaba pa rin ba siyang nararamdaman ngayon?

“Wala na. Zero lahat. I think ang tingin ko na kay Yan ngayon is more of a leading lady. Wala nang walls dati na ‘pag Primetime Queen ang kaharap ko, baka hindi ako maka-arte. ‘Pag Priemtime Queen, bawal yakapin o halikan. Wala na lahat ‘yun,” sagot ng aktor.

Paano niya nalampasan ang “wall” na iyon?

Aniya, “Maraming beses kaming nag-usap just to get to know each other at saka para makilala namin ‘yung personality ng bawat isa. Siguro isa ‘yun sa ways and ‘yung workshop namin with Direk Laurice Guillen- ‘yung compatibility exercise. Nagsabihan kami ng secrets.”

Ngayong mas kilala na niya si Marian, paano niya mailalarawan ang Kapuso Primetime Queen?

“Hindi siya ‘yung iniisip ng iba na suplada at mahirap i-approach. ‘Yun lagi ‘yung magiging tingin sa kanya dahil maraming nagsasabi, pero ako personally, I’m not saying this dahil may show kami pero I’m saying this kasi isa siya sa mga pinakatotoong tao sa showbiz. Siya ‘yung taong walang ka-showbiz showbiz sa katawan. Kung ano siya, ‘yun siya,” tugon ni Alden.

Huwag palampasin ang kauna-unahang pagtatambal nina Marian Rivera at Alden Richards sa Carmela: Ang Pinakagandang Babae sa Ibabaw ng Mundo, malapit na sa GMA Telebabad!

-Text by Samantha Portillo, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com