Celebrity Life

Rochelle Pangilinan on her friendship with Marian Rivera: 'Bonded na kami for life'


Isa sa mga maituturing na close friends sa showbiz ay sina Kapuso Primetime Queen, Marian Rivera at ang nagrereyna ng dance floor na si Rochelle Pangilinan. Nagkasama na noon sa Darna, Show Me Da Manny at Amaya ang dalawa noon. Ngayon, magkakatrabaho muli ang magkaibigan sa Carmela: Ang Pinakamagandang Babae sa Mundong Ibabaw.

Paglalahad ni Rochelle, “Ang pasabog ngayong 2014 ay ang Carmela. Ito ‘yung pinaka pinaghahandaan ko talaga at gusto kong magfocus sa Carmela. Nakita niyo naman lahat ng co-artists ko, lahat sila bigatin. Siyempre nakakatakot for me.”

Anong klaseng Rochelle Pangilinan ang mapapanood ng mga Kapuso sa Carmela?

Natatawang sagot ng dancer-actress, “Maldita! Maldita [ang karakter kong] si Yolly!”

Pagpapatuloy niya, “Kailangan ko siyang baguhin. Lagi na akong nagkokontrabida before. Gusto ko sanang mag-workshop. Kung ano ‘yung past ni Carmela, kailangan ko ding malaman. Kailangan super ready. ”

Ano ang mga expectations ni Rochelle sa kanyang upcoming project?

“Alam ko na magugustuhan nila ang istorya ng Carmela. Sure ako doon, at maingay na maingay ito. For sure, kakabugin namin ang lahat,” aniya.

Sa tingin niya, magiging madali na lang bang makaeksena si Marian Rivera dahil close naman sila sa totoong buhay?

“Madali dahil magkaibigan kami, pero mahirap kapag sina Carmela at Yolly na ang magkaharap kasi matagal-tagal din akong hindi nagkaroon ng seryoso na trabaho. Nanganganay ako nang sobra,” sagot ni Rochelle.

Paano ba nagsimula ang pagkakaibigan nila ng Kapuso Priemtime Queen?

Ani Rochelle, “Nagstart kaming maging friends ni Yan-Yan noong nagkasama kami sa Show Me Da Manny. Doon namin narealize na wala na ‘to, baklaan na ‘to! Tapos nagkatrabaho din kami sa Amaya.”

Paano niya mailalarawan bilang kaibigan si Marian?

Sagot niya, “Si Yan-Yan, hard masyado sa sarili ‘to, eh, ‘yung talagang workaholic masyado. Tapos meron lang siyang isang araw na gusto niya masaya lang. Gusto niya lagi ganun. Minsan nasasabayan ko siya, pero minsan 'di ko na carry pero mataas pa rin ang energy niya.”

Dagdag niya, “Good vibes lang kami lagi. Bukod sa magpinsan ang parehong boyfriend namin, tumitingin na kami in the future na no choice na kaming dalawa kung hindi soon-to-be sana maging isang pamilya. Bonded na kami for life. “

Abangan ang magkaibigang sina Marian Rivera at Rochelle Pangilinan sa Carmela: Ang Pinakamagandang Babae sa Mundong Ibabaw, ngayong January 27 na sa GMA Telebabad.

-Text by Samantha Portillo, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com