Celebrity Life

Pauleen Luna nagpaliwanag kung bakit hindi sila magkasama ni Bossing noong Christmas


Last December lang kinumpirma mismo ni Bossing Vic Sotto ang kanilang relasyon ni Kapuso host-actress Pauleen Luna. Inamin ito ni Vic sa isang live interview habang nagpo-promote siya ng kanyang pelikulang My Little Bossings.

Matagal ding itinago nina Vic at Pauleen ang relasyon nila sa press, kaya nang isinapubliko na ito ni Bossing ay talagang tuwang-tuwa ang Kapuso actress. “Kinilig ako,” pahayag ni Pauleen nang tanungin siya ng PEP ng kanyang reaksyon sa pag-amin ng boyfriend.

Nang makita ng press si Pauleen sa ginanap na press conference ng kanyang pinakabagong show na The Borrowed Wife, maraming ibinatong tanong sa kanya tungkol sa kanyang love life.

Unang tanong ng press kay Pauleen: from 1 to 100, ano ang grade mo sa relationship mo kay Bossing? “I'm very happy. 101,” nakangiting sagot ni Pauleen.

Sunod namang ipinakuwento kay Pauleen ang holiday season niya. Bahagi niya, hindi raw niya nakasama si Vic noong Pasko dahil sa Japan daw sila nag-celebrate ng Christmas. “It was my family's decision to spend the holidays in Japan. Siyempre kasama ako,” aniya.

Hindi na rin daw nakapag-commit si Bossing na makasama sa Japan dahil marami pang aasikasuhing requirements. “Kasi kailangan ng visa doon eh. Masyadong mahaba 'yung proseso eh. Of course naiintindihan ko na kailangan niya rin dito sa Pilipinas dahil kailangan kasama niya 'yung family niya. Naiintindihan ko naman,” paliwanag ni Pauleen.

Dagdag ni Pauleen, hindi raw ito ang first Christmas nila ni Bossing kaya okay lang din sa kanyang hindi sila magkasama. Hinayaan na rin daw niya itong mag-promote ng My Little Bossings na entry sa last Metro Manila Film Festival. Ayon pa sa aktres, hindi siya nagsisisi dahil mabuti naman ang kinalabasan ng pelikula ng boyfriend dahil nag-number one ito sa takilya.

Ano ba ang Christmas gift ni Bossing kay Pauleen?

“Wala eh. Hindi kami ganoon eh. Kahit siya rin naman sa akin. Surprising but hindi kami masyadong materialistic with each other,” anang aktres.

Ayon pa kay Pauleen, mas importante raw ang time sa kanila ni Bossing. “Mas mabigat para sa amin 'yung time spent together than gifts. Kasi anything naman mabibili niya, anything naman mabibili ko,” dagdag ng star ng The Borrowed Wife.

Sa huli, nilinaw ni Pauleen na hindi ibig sabihin na mabibili niya lahat ay mayaman na siya. Bagkus, masipag lang daw talaga siya sa pagtatrabaho kaya mabibili niya kung ano man ang naisin niya.

Patuloy na subaybayan si Pauleen bilang Tessa sa The Borrowed Wife, weekdays after Magkano Ba Ang Pag-ibig? on GMA Afternoon Prime. - Text by Al Kendrick Noguera, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com