Celebrity Life

Joyce Ching, masayang nalilinya sa pagiging kontrabida


2005 nang pumasok si Kapuso actress Joyce Ching sa mundo ng showbiz. Sumali siya sa Bubble Gang Jr. kaya't bata pa lamang ay nagpamalas na siya ng galing sa pagpapatawa.

Pero napunta sa drama si Joyce nang gumanap siya bilang batang Shirley sa Endless Love kung saan nakasama niya ang ngayo’y Kapuso Primetime King and Queen Dingdong Dantes and Marian Rivera.

Pagkatapos ng show na ito ay sunod-sunod na projects na ang lumapit kay Joyce tulad ng Reel Love Presents: Tween Hearts, Koreana, Munting Heredera, Ikaw Lang Ang Mamahalin, just to name a few.

Pero noong nakaraang taon, naging maingay ang pangalan ni Joyce sa pagganap ng kontrabida roles. Nakatulong sa success ng remake ng Anna KareNina ang pag-portray niya sa character ni Nina. Nakasama niya rito Barbie Forteza at Krystal Reyes.

Bagama’t isa sa bida ng show si Joyce, maituturing na kontrabida ang kanyang character dahil siya ang laging nang-aaway sa characters nina Barbie at Krystal at ibang-iba ang personality niya.

Isa pang sumikat na character ni Joyce ay si Airiz ng Dormitoryo. Ito ang suspense show ng GMA at nakasama niya dito sina Lauren Young, Enzo Pineda, Wyn Marquez at Ruru Madrid. Sa kuwento ng show, may killer na pumapatay sa mga estudyanteng naninirahan sa isang dorm. At ang killer na sa huling episodes na na-reveal ay si Airiz pala.

Nang makita ng GMANetwork.com si Joyce sa pictorial ng kanyang pinakabagong show na Paraiso Ko’y Ikaw, agad naming itinanong kung kontrabida na naman ba siya rito.

"Yes, kontrabida," mabilis na sagot ni Joyce. Gaganap daw siya bilang Cheska, ang magiging kapatid ng character ni Kim Rodriguez na si Josephine.

Ano ang feeling niya na nalilinya siya sa pagiging kontrabida? "Masaya! Para sa 'kin kasi since nagkasunod-sunod na 'yung pagkokontrabida ko, parang medyo nakasanayan ko na rin siya na ginagawa ko siya on set. Pero 'yun nga rin, dahil nga palaging kontrabida 'yung roles ko, challenging din kung paano ko iibahin 'yung bawat character ko."

Ikinumpara ni Joyce ang kontrabida roles na ginampanan niya sa character niya ngayon. “This one is different from Nina and Airiz kasi ito, spoiled brat siya, sosyalera, na laging naiirita pero hindi siya 'yung tipo na very conyo. Si Airiz kasi tsaka si Nina medyo english-speaking nang bonggang-bongga. Ito, tama lang. Siguro mas mature pa ulit 'yung atake. Mas dalaga pa compared sa Dormitoryo,” aniya.

Itinanong namin kay Joyce kung sino ba ang favorite niya sa kontrabida roles na nagampanan niya. Ang sinagot ng aktres ay si Nina ng Anna KareNina. Paliwanag niya, “kasi sobrang na-challenge ako noong ginagawa namin 'yung Anna KareNina. Parang 'yun 'yung role ko na sobrang bigat talaga ng dinadala niya sa buhay parati.”

Abangan si Joyce Ching sa kanyang pagbabalik kontrabida sa Paraiso Ko’y Ikaw kasama sina Kim Rodriguez, Kristoffer Martin at Phytos Ramirez, starting January 27 on GMA Telebabad.

- Text by Al Kendrick Noguera, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com