Celebrity Life

Cong TV, inamin na naghiwa-hiwalay na ng tirahan ang Team Payaman

By Aimee Anoc

Ikinuwento ni Cong Velasquez, o mas kilala bilang Cong TV, na naghiwa-hiwalay na ng tirahan ang Team Payaman.

Sa kanyang YouTube channel, sinabi ni Cong TV ang dahilan kung bakit napagdesisyunan nilang gawin ito.

"Sa mga hindi nakakaalam guys, January 14 is our last day rito sa Payamansion 2.0. Si Junnie dalawa na anak, ang liliit ng kwarto, si Boss Keng manganganak ang asawa, si Cong TV, family man, nag-decide na kami [na] kailangan na naming maghiwa-hiwalay guys," kuwento ni Cong TV.

Dagdag ni Junnie Boy, "Kasi siyempre kailangan ng bawat pamilya rito, privacy."

Ang Team Payaman ay grupo ng content creators na binubuo nina Cong TV at fiancee nitong si Viy Cortez, Exekiel Christian "Boss Keng" Gaspar at asawa nitong si Patricia "Neneng Lamig" Velasquez-Gaspar, Marlon "Junnie Boy" Velasquez at misis nitong si Vien Iligan, Anthony Jay "Yoh" Andrada, Marvin "DaTwo" Velasquez II, Jaime Marino "Dudut Lang" De Guzman, Michael "Mentos" Magnata, at Aaron "Burong" Macacua."

Photo by: kreativden (IG)

Taong 2015 nang magsimula ang Team Payaman na gumawa ng kanilang mga true-to-life content at nanirahan sa iisang bahay, na tinawag na "Payamansion."

Sa paghahanda sa paglipat sa kani-kanilang bagong tirahan, hindi napigilang sabihin nina Cong TV, Boss Keng, at Junnie Boy ang totoo nilang nararamdaman.

"It's been three years," sabi ni Boss Keng.

"Hindi ko nga alam kung kakayanin kong mag-isa," pagtatapat naman ni Junnie Boy.

Dagdag ni Boss Keng, "Ako rin e. Ipagdasal mo na lang kami bossing. Salamat, dahil sa 'yo natuto akong maging responsable."

Bago matapos ang vlog, ipinakita ni Cong TV na magkakatabi lamang din ng tirahan at magkakasama sa iisang compound ang Team Payaman, na tinawag nitong "The Congpound."

MAS KILALANIN SI CONG TV SA GALLERY NA ITO: