Celebrity Life

Ano ang nagustuhan ni Pauleen Luna kay Bossing?


Napapanood natin si Kapuso actress Pauleen Luna sa pinakabagong Afternoon Prime soap na The Borrowed Wife. Kasama niya sa show sina Camille Prats, Rafael Rosell at TJ Trinidad.

Tulad ng nakaraang shows ni Pauleen, isa na namang kontrabida ang kanyang ginagampanan ngayon, ang katauhan ni Tessa. Masyadong mapaghangad ang character ni Tessa dahil lahat ng gusto niya ay kukunin niya pati na ang asawa ng iba.

Nang ikumpara sina Pauleen at Tessa, sinabi ng aktres na malaki naman ang pagkakaiba nilang dalawa. Sinabi niyang simpleng tao lamang siya na naghahangad ding magkaroon ng relasyon sa isang simpleng tao rin. Ito raw ang dahilan kung bakit nagustuhan niya ang boyfriend niya na si Bossing Vic Sotto.

“He's very simple. If you really know him, makikita mo kung gaano ka-simple 'yung buhay niya. Hindi extravagant, hindi siya maluho,” pahayag ni Pauleen.

Ayon pa sa aktres, mga maliliit na bagay daw ang nakapagpapaligaya kay Bossing at iyon daw talaga ang pinakagusto niya sa boyfriend.

Kahit daw sikat na sikat si Bossing ay hindi mo siya makikitaan ng kahit anong pagmamalabis sa kung anong mayroon siya ngayon. “Hindi niya dinadala sa ulo niya, wala sa lifestyle niya kung nasaan man siya ngayon at 'yung success na narating niya,” dagdag ni Pauleen.

Ikinuwento pa nga ni Pauleen sa amin noong time na biniro siya ni Bossing - “Uy baka kalimutan mo na 'ko ha. Kasi sobrang simple lang ako.”

Sinagot daw ito ni Pauleen na hindi niya raw makakalimutan si Bossing dahil sobrang special sa kanya ng mga taong simple lang ang pamumuhay.

Kuwento ni Pauleen, sa sobrang pagiging simple daw nilang parehas ay hindi sila nagbibigayan ng gifts sa isa’t isa. Sa katunayan, kahit noong nakaraang Pasko raw ay wala siyang natanggap mula kay Bossing at wala rin naman daw siyang ibinigay para sa nobyo. Mas importante raw sa kanilang dalawa ang time na magkasama sila.

Patuloy na subaybayan si Pauleen Luna bilang Tessa sa The Borrowed Wife, weekdays after Magkano Ba Ang Pag-ibig? on GMA Afternoon Prime. - Text by Al Kendrick Noguera, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com