Celebrity Life

Dennis Trillo, Jennylyn Mercado, nakabili ng bahay sa Las Vegas

By Jansen Ramos

Kasalukyang nasa Estados Unidos ang mag-asawang Dennis Trillo at Jennylyn Mercado, kasama ang kanilang siyam na buwang anak na si Dylan Jayde.

Maliban sa pagbabakasyon doon, lumipad sila patungong US para bisitahin ang kanilang biniling bahay sa Las Vegas, Nevada.

Sa Instagram Story ni Jennylyn kamakailan, ipinasilip niya ang kanilang bagong property. Nilapatan naman niya ito ng mga salitang "Thank you Lord" at heart stickers.

Base sa ulat ng Bandera, nabili ito nina Dennis at Jennylyn dalawang taon na ang nakalilipas pero nito lamang Nobyembre nai-turn over sa kanila.

Ang nasabing bahay ay matatagpuan sa Summerlin Residential Community sa Las Vegas Valley of Southern Nevada at may view ng Red Rock Canyon, ayon sa manager ni Jennylyn na si Becky Aguila.

Samantala, may rest house ding ipinapatayo ang Kapuso couple sa Tanay, Rizal.

Bunga ng ilang taong pagtatrabaho nina Dennis at Jennylyn sa showbiz ang kanilang mga naipundar at iba pang investments.

Patuloy ang pamamayagpag ng career ni Dennis na kasalukuyang napapanood bilang Simoun sa hit GMA Primetime series na Maria Clara at Ibarra.

Mapapanood din siya sa inaabangang Voltes V: Legacy kung saan gaganap siyang Dr. Ned Armstrong/Baron Hrothgar.

May gagawin din siyang proyekto kasama si Bea Alonzo. Pinamagatan itong Love Before Sunrise na mula sa produksyon ng GMA at Viu.

Samantala, inaasahan din ang pagbabalik-showbiz ni Jennylyn matapos niyang isilang ang unang anak nila ni Dennis na si Dylan noong April 2022.

May tig-isang anak sina Dennis at Jennylyn mula sa kanilang mga dating nakarelasyon.

Ikinasal sila noong November 2021 matapos ang kanilang long term relationship.

SILIPIN SA GALLERY NA ITO ANG FAMILY LIFE NINA DENNIS AT JENNYLYN: