Celebrity Life

Teejay Marquez, pinagsisisihan ang di pagiging close sa namatay na ama


Marami ang nakiluksa sa pagkawala ng ama ng Kapuso actor na si Teejay Marquez noong January 17. Sa pagkamatay ng kanyang ama, sinariwa niya ang mga sandali nila noong ito ay nabubuhay pa.

Ayon sa Kapuso actor bago pa man kunin sa kanya ng Maykapal ang kanyang ama, marami na silang di pagkakaunawaan. Isa na rito ang paglalasing ng kanyang ama na di niya sinasang-ayunan.

Kwento niya, “Nagkatampuhan siguro. Kasi kinalakihan ko na nag-iinom siya. ‘Yong tampo kasi not because pinagalitan ka niya eh. ‘Yong tampo na kung tao lang ‘yong alak mas mahal mo pa ‘yong alak kaysa sa akin. So ganun lang.”

Solong anak si Teejay kaya sabik siya sa pagmamahal ng kanyang mga magulang. Nangibang-bansa naman ang kanyang ina kaya di niya rin ito nakakasama.

“Siyempre lumaki ka na ‘Ano ba iyan! Wala na nga akong pamilya, ‘yong daddy ko ayaw pa ako pansinin.’ Kailangan di ko i-focus ‘yong hurt ko sa daddy ko, kasi mamaya mapariwara rin ako. Nagkaroon ako ng mga bagay na pwede akong maging masaya rin, pero nakakalungkot kasi di kami naging close,” pag-alala niya.

Dagdag pa niya, “Wala akong maisip na magandang pinagsamahan, pinag-usapan namin o kahit ano, something na bonding ‘pag pinag-uusapan ‘yong parents. Mommy ko wala, never ko nakikita. And then, ‘yong dad ko nandiyan nga pero parang wala.”

Ngunit last year, sinubukan din nilang dalawa na magkaroon ng quality time together.

Naramdaman din ni Teejay kung gaano siya kamahal ng daddy niya kahit di nito ipinapakita sa kanya.

Kwento pa niya, “Last year, simula ng 2013, nagiging mabait na siya. Nakikipag-inuman siya, naririnig mo na ipinagmamalaki ka niya sa mga kainuman niya. Hindi man niya sinasabi ‘yon verbally sa akin, pero naririnig mo na pinagmamalaki ka niya sa mga kainuman niya.’Yong mas nakakalungkot doon kasi di niya masabi. Pero nakaka-touch, kasi alam mo na pinagmamalaki ka niya.”

Kaya ganoon na lang ang kanyang pagluluksa na hindi na nila naipagpatuloy ang kanilang sinimulan na samahan.

“’Yon nga lang sayang kasi hindi kami vocal. Wala kaming na-reconcile pero alam namin na nag-try kami sa isa’t isa. Sa kasamaang palad, kulang. Feeling ko kasi, may regret. May kasalanan ako, may kasalanan siya.”

Ano ang pinakamami-miss niya sa dad niya?

“Siyempre, ‘yong physical presence niya. Kahit sabihin mo na di kami nagpapansinan, di niya ako mayakap, di niya ako masabihang ‘I love you’, nasanay ako na lumaking nandiyan siya. Tapos wala na,” pag-amin nya.

Naging mahirap din kay Teejay ang biglaang pagkawala ng kanyang ama dahil di pa siya makapaniwala noong una.

“Sabi ko ‘Bakit hindi pa ako umiiyak noon?’ ‘Yong nakikita mong nagwawala. ‘Pag nililibing, ‘pag nag-sink in na dahil ikaw ang umaasikaso ng burial, mga bisita, pagkain. Feeling ko pre-occupied ako sa mga dapat ko gawin bilang anak. Pero ‘pag natapos na lahat niyan, ‘yong mag-isa ka na lang, papasok sa isip ko na ‘Uy, patay na pala ‘yong tatay ko’.”

Hindi man halata ang pagluluksa ni Teejay tuwing nakikita natin siya o napapanood sa isang palabas ngunit ang totoo niyang saloobin ay sinasarili niya lang pala.

“Sana mailabas ko, kasi ayoko namang dibdibin, itago, pero minsang naliligo ako, tumutulo (ang) luha ko. Sa totoo lang, di ko alam kung paano ko nakakaya.”

Kahit sa matinding dagok ng kanyang buhay, malaki ang pasasalamat ni Teejay na marami ang nagmamahal sa kanya at sumusuporta sa panahon ng kanyang kalungkutan.

“Ako lang talaga nag-aasikaso. Nagulat ako na may mga taong handang tumulong sa akin. Hindi ko in-expect and I’m very thankful.”

Gayumpaman, di pa rin nito mapapawi ang kanyang matinding kalungkutan. Dahil hindi man lang niya naiparamdam sa kanyang ama kung gaano niya talaga ito kamahal noong nabubuhay pa ito.

“Nalungkot lang ako. Sabi ko ‘Gagawin ko ang lahat para sa daddy ko.’ Nakakalungkot lang sana nabigay ko sa kanya noong buhay pa siya. Hindi ‘yong dahil wala na siya.”

Simula February 12, makikita si Teejay Marquez sa pelikulang  ‘Basement’ sa mga sinehan. Kasama niya rito sina Dion Ignacio, Louise delos Reyes, Chynna Ortaleza, Aljur Abrenica at iba pang Kapuso artists.

Para sa updates kay Teejay at sa shows ng GMA, bumisita lagi sa www.gmanetwork.com.

-- Text by Eunicia Mediodia, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com