Celebrity Life

Sheena Halili, di kailangang magpa-sexy para sumikat



Isa si Sheena Halili sa mga Kapuso stars na napanatili ang kanyang good girl image simula nang siya ay ma-discover sa Starstruck. Nais niya nga bang panatiliin ang clean image o susubukan na niyang maging daring for the year 2014?

Ayon kay Sheena nagkaroon na sila ng meeting with GMA Artist Center tungkol sa mga plano nila para sa kanya ngayong taon. Dagdag niya, “Na-excite din ako dun for my career. Wala pa silang binabanggit pero ang sinasabi nila sa akin may inaayos sila for me. So hopefully soon, sana talaga.”

Naging maingay din ang pangalan ni Sheena sa kanyang husay sa pagganap bilang Agnes sa Binoy Henyo. Si Agnes ay ang ina ni Robin “Binoy” Santos na ginampanan naman ni David Remo. Kuwento ni Sheena na tinanggap niya ito dahil gusto niyang maka-inspire ng mga tao.

“Kumbaga 'yung show kasi na ‘yun is about love. Alam mo 'yung ang sarap ng ganoong show, ganoong istorya. Ang sarap din gumawa ng project na alam mong gusto mo talaga. Kasi mahirap din naman na hindi mo gusto, hindi rin magiging maganda 'yung performance mo.”

Para kay Sheena, ayaw niyang gumawa ng mga bagay na pagsisihan niya in the future. Kuwento niya, “Ayoko magsalita kasi baka may ma-offend ako pero marami na rin kasi ang nagpapasexy, parang lahat kaya na nilang gawin. Ako ang pinagdarasal ko talaga at ‘yung nasa heart ko ay sana may ma-inspire ako na mga kabataan na gustong mag-artista na hindi naman kailangan ng mga ganoong bagay or sumunod sa uso para maging inspirasyon, para dumami ang fans o para sumikat. Kasi pag hiningi mo kay God at kapag para sa iyo talaga ‘yun, ibibigay niya sa 'yo ‘yun.”

Alam umano ng GMA Artist Center ang roles na makakabuti sa kanya.

“Mas maganda pa din talaga na maghintay ka sa right project and alam ko naman na hindi naman iooffer sa akin ng GMA, or ng Artist Center kung alam nilang hindi maganda for me. At iba-iba naman kaming mga talents nila, alam nila kung hanggang saan lang 'yung sa akin,” pagtatapos niya.

Para sa updates tungkol kay Sheena Halili at sa iba pang mga Kapuso stars at shows, log on sa GMANetwork.com

-Text by Maine Aquino, Photo by Elisa Aquino, GMANetwork.com