Celebrity Life

'We [are] never going to separate. FYI, it's just not going to happen' - Heart Evangelista on Sen. Chiz Escudero


Noong nakaraang Linggo sa Startalk ay nag-celebrate ng kanyang birthday ang Kapuso host-actress na si Heart Evangelista. February 14 pa ang birthday niya ngunit maagang nagbigay ng sorpresa ang Startalk nang bigla nilang pinalabas si Senator Chiz Escudero mula sa back stage.

Gulat na gulat si Heart dahil hindi niya inaasahang pupunta ang kanyang boyfriend. Dahil minsan lang maging live guests ang magkasintahan ay hindi sinayang ng Startalk hosts ang pagkakataong magtanong tungkol sa controversial love life ng dalawa.

Unang itinanong ng hosts kung ano ba ang sikreto kaya nagiging matatag ang relasyon nina Heart at Sen. Chiz. “Wala. Wala kaming itinatago sa isa’t isa. What you see is what you get,” sagot ng senador.

Itinanong naman kay Heart kung ano ba ang advantages ng mas mature ang boyfriend. “Pinagtiya-tiyagaan niya ako kasi makulit ako at matigas ‘yung ulo ko minsan. Ine-explain niya sa ‘kin pero minsan medyo hard ‘yung explanation niya kasi kailangang matuto ako. I learn so much and I grow so much with him.”

Kuwento ni Sen. Chiz, hindi raw mawawala sa isang relasyon ang hindi pagkakaintindihan. Pero linaw niya, kailanman daw ay hindi sila umabot sa pag-aaway at lalong hindi sila nagkakasakitan.

Paano nagkakabati sina Heart at Sen. Chiz pagkatapos ng mga tampuhan? “I usually say sorry most of the time. Mabilis din po siyang mag-tampo, kaya kapag nag-sorry na ‘ko hindi niya na ‘ko matiis kasi love niya ako,” sagot ni Heart.

“And we [are] never going to separate. FYI, it’s just not going to happen, ” dagdag niya.

Sa interview, ikinuwento ni Heart kung kailan niya nagustuhan si Sen. Chiz. Inamin pa nga niya na crush niya na ang senador habang sila pa ng ex-boyfriend na hindi niya pinangalanan. “Nakita ko siya (Sen. Chiz), naka-t-shirt lang siya at naka-shorts tapos guwapong-guwapo ako sa kanya. Wala siyang body guard. Basta ang guwapo lang niya,” aniya.

Tandang-tanda pa raw ni Heart ang kantang tumutugtog noong unang beses niyang nakita si Sen. Chiz. Ang title raw ng kanta ay Lady in Red kaya't paulit-ulit daw niya itong pinakinggan noon.

Bago matapos ang interview, itinanong ng Startalk hosts kay Heart kung sa tingin ba niya ay siya na ang huling babae sa buhay ni Sen. Chiz. “I’m the last one. I’m sure,” confident na sagot ng aktress.

Patuloy na subaybayan si Heart Evangelista sa Startalk tuwing Linggo at sa Magkano Ba Ang Pag-ibig?, weekdays after Villa Quintana on GMA Afternoon Prime. – Text by Al Kendrick Noguera, Photo by Elisa Aquino, GMANetwork.com