Celebrity Life

Glaiza de Castro on relationships: 'Ayoko rin naman na agad-agad i-commit 'yung sarili ko'


Wala mang someone special si Glaiza de Castro for Valentine’s Day, masayang-masaya naman siya sa kanyang estado sa buhay.

Aniya, nahihirapan man siyang alamin kung bakit wala pa siyang boyfriend, naniniwala naman siya na ibibigay ni Lord sa kanya ang right guy sa tamang panahon.

Kuwento ni Glaiza, may mga nagpaparamdam o nanliligaw naman sa kanya. “May mga dumarating naman. Kaya lang siyempre ayoko rin naman na agad-agad i-commit ‘yung sarili ko sa relationship kapag hindi pa talaga ako handa sa nararamdaman ko.”

May mga tao umanong nag-iisip na tomboy si Glaiza, ngunit natatawa na lamang siya rito.

Aniya, “Hindi! Naka-skirt nga ako e! Lalaki po talaga ‘yung gusto ko. Maarte rin po talaga ako. May mga jokes sa akin nu’ng teenager ako, na 'Lalaki ka yata e!' kasi boyish nga ako. Boyish manamit, boyish kumilos. Parang ‘yung perception ng tao na medyo baka 'yun nga 'yun. Di ko naman sila masisisi.”

Inamin din ni  Glaiza na pihikan siya sa pagpili ng kanyang magiging boyfriend. “Medyo may pagka-idealistic din po,” saad niya.

Dagdag ni Glaiza na puwedeng factor ang kanyang family upbringing sa kanyang mga desisyon sa pakikipagrelasyon. Aniya, “Actually nag-try din naman po ako na pumasok sa relationship. Medyo sumuway din ako ng konting-konti. Siyempre na-realize ko na iba din talaga na kapag ‘yung lalaki tanggap ng pamilya mo. May peace, di ba? Hindi ‘yung pinipilit ko lang na sige basta magka-boyfriend lang ako.”

Gusto umano ni Glaiza na kapag nagka-boyfriend siya, tanggap ito ng kanyang pamilya. “Sana kapag dumating ‘yung tamang lalaki para sa akin, gusto ko siya na ‘yung pakakasalan ko,” pagtatapos niya.

Mapapanood si Glaiza de Castro tuwing Sabado ng gabi sa Vampire ang Daddy Ko at tuwing Linggo sa Sunday All Stars. Para sa updates tungkol kay Glaiza at sa iba pang artista, ugaliing bumisita sa www.gmanetwork.com.

-Text by Maine Aquino, Photo by Elisa Aquino, GMANetwork.com