Showbiz News

Tom Rodriguez, ibinahagi ang kakaibang dish ng kanilang pamilya


Last Saturday, bumisita at nagbahagi ng kakaibang recipe sa Sarap Diva ang Kapuso heartthrob na si Tom Rodriguez. Ang Nilagang Baka with luncheon meat ay ang favorite dish umano ng pamilya ni Tom.

Aniya, mahilig sa sabaw si Tom kaya’t ito ang kanyang nakahiligan simula noong bata pa lamang siya. Bukod sa nilagang baka with luncheon meat, nahilig rin siya sa Sinigang. “Masabaw talaga, kasi sinasabaw ko talaga sa kanin. Mahilig talaga ako, 'yung lulunurin mo talaga 'yung kanin sa sabaw,” kuwento niya.

Ibinahagi ni Tom kay Regine na siya ay tubong Olongapo City, ngunit nang pumutok ang Mt. Pinatubo, napilitan silang lumipat sa Samar at saka tumungo sa Amerika.

“Noong pagpunta ko doon [sa States], 'di ako marunong mag-English ang hirap!”

Dagdag ni Tom sa Amerika na rin siya nakapag-aral ng high school at college. Nahilig ang batang Tom sa pagguhit kaya umano naisip niya na kumuha ng degree patungkol rito. “Nakuha ko 'yun sa ate ko, kasi siya talaga 'yung artist ng family, so ako din nakahiligan ko i-drawing 'yung cartoons dito. Mga Dragon Ball Z dati pinapanood ko sa GMA. Dino-drawing ko' yun lahat. Kaya noong college, naisipan ko, sabi ko, siguro buong buhay ko eto ang gusto kong gawin,” saad niya.

Kumuha siya ng kursong Digital Animation dahil wala umanong Concept Art sa kolehiyong kanyang pinasukan.

Kahit sa Amerika ay niluluto pa rin ng ina ni Tom ang nilagang baka with luncheon meat. Ngunit dahil may mga sangkap na hindi nabibili sa Amerika, humahanap na lang umano sila ng pang-substitute.

Ang pagluto ng nilagang baka with luncheon meat ay pareho lang umano sa traditional na nilagang baka. Papakuluan lamang ang baka at kapag malambot na ito, dadagdagan ng corn, potatoes, onions, at pepper corn. Kapag naluto na ang corn at potatoes, puwede nang idagdag ang luncheon meat at cabbage.

Kuwento ni Tom, marami ang nagtataka sa kanilang favorite dish. “Kapag kinukuwento ko sa mga tao. Naweweirduhan sila. Para sa akin napaka-normal niya kasi 'yun ang niluluto ng nanay ko lagi. Ang nakakatawa nun kasi, ‘di ba anim kaming magkakapatid, 'yung mga babae hindi malalakas kumain. Pero kaming mga lalaki, tatlo kami, lalo na kapag kasama na tatay ko, apat kaming malalakas kumain. At saka yung luncheon meat talaga 'yung pinag-aagawan namin. Iba e, may ibang flavor siya.”

Abangan ang iba pang dishes at masarap na kuwentuhan kasama si Ms. Regine Velasquez-Alcasid sa Sarap Diva tuwing Sabado bago mag-Eat Bulaga.

-Text by Maine Aquino, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com