Celebrity Life

Enzo Pineda, todo suporta sa bagong role ni Louise delos Reyes


Masayang-masaya ang Kapuso actress na si Louise delos Reyes dahil ramdam na ramdam daw niya ang suporta ng boyfriend na si Enzo Pineda sa kanyang latest TV project na Kambal Sirena.

Laging very proud and excited daw si Enzo tuwing may bago siyang pinagkakaabalahan.

"Palagi niya akong sinusuportahan sa lahat ng mga nangyayari sa akin na maganda. Bukod sa akin at sa family ko, isa siya sa pinaka-excited," kuwento ni Louise in an exclusive interview with GMANetwork.com.

Matatandaang dalawang taon ang itinagal ng relasyon ng dalawa bago sila nagdesisyon na maghiwalay early last year. Nang magdiwang si Louise ng kanyang 21st birthday noong September ay muling silang nagkamabutihan ng ex-boyfriend, hanggang sa nauwi ito sa pagbabalikan.

Bilang isang health buff, malaki ang naitutulong ni Enzo sa kanya in maintaining her figure. "Siya 'yung nagsasabi na 'Bawal ito, bawal 'yang kainin. Carbs 'yan. Taba 'yan. Bawasan mo 'yan. Tanggalin mo 'yan.' Siya rin 'yung nagpu-push sa akin before na mag-gym ako para toned ang katawan ko."

Kung dati ay sinasabayan niya ang boyfriend sa gym, iba na raw ngayon. "Siya ang sumasabay sa akin. Ako na ang naghahatak na, 'Tara, gym tayo!'" nakatawang sagot ni Louise.

Abangan si Louise delos Reyes sa Kambal Sirena, soon on GMA Telebabad.

Also catch Louise, Enzo, and other Kapuso artists in Sunday All Stars every Sunday, after Kapuso Movie Festival.

-- Text by Michelle Caligan, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com