Celebrity Life

Derrick Monasterio, naging inspirasyon ng fan na tinulungan lumaban sa cancer

By Kristian Eric Javier

Bukod sa pagiging magaling na aktor at modelo, isa pang katangian ng Kapuso hunk na si Derrick Monasterio na hinahangaan ng marami ay ang pagiging matulungin nito. Dahil din dito, naging inspirasyon ang aktor ng isa sa mga fans niya na huwag sumuko sa laban nito sa cancer.

Sa interview ni Lhar Santiago sa “Chika Minute” para sa 24 Oras, sinabi ng hair and makeup stylist na si Monet Villarba na si Derrick mismo ang unang lumapit at nagbigay ng tulong dito nang malaman ang kanyang sitwasyon.

“Inspiration ko rin po talaga si Derrick Monasterio na nung nalaman niya na nagkaroon ako ng ganitong sakit, he's the one na nagsabi sa'kin na 'I'm always here for you,'” pag-alala nito.

Dagdag pa niya, “From there, parang nagkaroon ako ng lakas ng loob na parang 'Ay, kaya ko 'to.'”

Ayon naman kay Derrick, napamahal na sa kanya si Monet dahil sa paghanga nito sa aktor at sa pagho-host ng mga fans' day niya.

“Siyempre hindi ko naman sila binabayaran doon pero ginagawa nila 'yun out of love,” sabi ng aktor.

“Tapos kinakamusta-kamusta ko lang siya lagi, like after ng mga radiation niya. Feeling ko nakatulong din na may nakakausap siya,” dagdag pa niya.

Bukod sa emosyonal na tulong ni Derrick, ipinagpapasalamat din ni Monet ang tulong pinansyal na binigay nito na ayon sa kanya, “kahit hindi po ako humingi sa kanya ng tulong, he's the first person na nag-chat sa akin.'”

“'Yun po 'yung nagpalakas ng loob ko, parang 'Ay, oo nga, bakit hindi ako lalaban? Andito pa pala yung idol ko, andito pa pala siya na hindi ako binibitawan,'” sabi ni Monet.

Nang tanungin si Derrick kung bakit niya tinulungan si Monet, ang sagot niya ay, “Sinuwerte lang din ako kasi ang daming pumasok na blessings sa akin so share naman natin sa mga may kailangan. So parang give back lang po.”

At sa tulong na binigay ni Derrick, gumaling at nakabalik na sa trabaho si Monet, na importante sa kanya bilang bread winner ng pamilya.

Hindi naman maitago ng aktor ang saya na makakasama niya nang mas matagal si Monet.

“Gusto ko lang siya makasama nang matagal kasi fun siyang tao and masaya siyang kasama, and very genuine siya sa'kin, very sincere, like konti na lang kasi 'yung makikita mo na sobrang mahal ka talaga,” sabi ng aktor.

TINGNAN ANG IBA'T IBANG CAREER ACCOMPLISHMENTS NI DERRICK SA GALLERY NA ITO: