Celebrity Life

'Mas gusto ko siyang makilala' - Aljur Abrenica on Louise de los Reyes


Kakatapos pa lamang ng teleserye ni Aljur Abrenica na Prinsesa ng Buhay Ko noong Enero. Ngayong Marso, mapapanood naman ang Kapuso hunk bilang Kevin sa GMA Telebabad series na Kambal Sirena.

Makakapareha ni Aljur ngayon ang talented Kapuso actress na si Louise de los Reyes. Ang karakter niyang si Kevin ay iibig sa kambal na sina Perlas at Alona. Si Perlas ay isang tao, habang si Alona ay isang sirena.

Gamay na gamay na ni Aljur ang romantic lead roles, pero kaya daw talaga niya tinanggap ang proyektong ito dahil sa magandang kuwento at mensahe nito.

Aniya, “Gusto lang naming message sa mga tao na God made us all unique. He wants us to complement ‘yung pagkakaiba-iba ng ugali ng mga tao. We want to show people kung paano mareresolve lahat ‘yung bawat isang situwasyon. Laging nananaig ang pagmamahal at kabutihan.”

Siyempre, excited na si Aljur na makatrabaho si Louise de los Reyes. Ito ang kanilang magiging unang pagtatambal. May kaba, pero napapanatag daw siya dahil magkaibigan naman sila ni Louise at kumportable sila sa isa’t isa.

Kuwento ni Aljur, “Personally, I know Louise dahil sa Sunday All Stars. I like her. From the time na bago pa lang siyang pasok, we had something in common na kaagad. Gumaan kaagad ‘yung loob namin sa isa’t isa. Hindi alam ng mga tao ito, pero nagta-target shooting siya.”

Dahil sa kanilang pagkakapareho ng mga interes, mas bumuti ang pagkakaibigan nina Aljur at Louise. Ani Aljur, “Ngayon, mas gusto ko siyang makilala lalo in terms of work. Excited ako sa mga bagay na matututunan ko sa kanya and sa mga bagay na maishe-share ko sa kanya.”

Para paghandaan ang sirenaserye, nagsama sa ilang workshops sina Aljur at Louise. Ayon kay Aljur, marami silang natutunan at nakita daw niya ang malaking improvement sa pag-arte ni Louise.

“Hindi siya ‘yung plain na aktres lang. Ang dami niyang alam, and nadiscover ko na sobrang sensitive pala ng taong ito. ‘Pag sinabing sensitive, I mean very emotional na tao. Hanga ako sa kanya sa pagbabalanse ng trabaho sa real life,” aniya.

Puspusan din ang paghahanda ni Aljur para sa kanyang karakter na gagampanan. Maraming mga eksenang kukunan sa dagat at underwater kaya todo ang workout ni Aljur ngayon.

“I’ve been preparing for it. I’ve been getting into shape. I’m into Mixed Martial Arts na rin, at nag- Jiujitsu at Judo na rin ako. Sinimulan ko na ang training para mas makadagdag naman sa healthy regimen ko.”

Abangan si Aljur Abrenica bilang Kevin sa Kambal Sirena ngayong Marso sa GMA Telebabad.

-Text by Samantha Portillo, Photo by Elisa Aquino, GMANetwork.com