Celebrity Life

What keeps Jillian Ward busy nowadays?



Noong nakaraang taon, napanood ang child wonder na si Jillian Ward sa mga programang Home Sweet Home at One Day, Isang Araw. Kamakailan ay lumabas din siya sa pelikulang Basement.

Ano kaya ang susunod na aabangan natin mula kay Jillian?

Nakausap namin ang Kapuso young actress sa kanyang advanced birthday celebration sa Fun Ranch noong Pebrero 21.

Kuwento ni Jillian, sa susunod na pasukan ay lilipat siya sa isang international school. Sa ngayon ay busy siya sa pag-aaral at mas nakaka-bonding din niya ang kanyang nakababatang kapatid na si Jennel.

Tinanong namin si Jillian kung may balak ba si Jennel na mag-artista tulad niya. At kung nagkataon, papayag ba siya?

Sagot ni Jillian, “Opo, kung iyon po ang gusto niya. Nakikita ko na rin po na gusto niyang maging artista. Tinuturuan ko po siya minsan.”

Ibinahagi rin ni Jillian na close na close talaga sila ni Jennel kaya lagi siyang masaya kapag kasama niya ito.

Anang Kapuso child star, “Mabait po siya, pero medyo makulit rin po minsan. Pag natutulog po ako, akala niya kung ano na po ang nangyari sa akin. Kinuwento po nila na noong natutulog po ako tapos sabi niya, ‘Ate, wake up!’. Ang cute niya po.”

Ano-ano ba ang karaniwang bonding activities nila ni Jennel?

“Minsan po nanonood ng movie at nagshashopping. Minsan po kunwari nasa school kami at nagre-reading. Bago po kami matulog, nagfo-form po kami ng mga shapes at animals sa shadows,” sagot ni Jillian.

Dahil summer na, tinanong din namin si Jillian kung may plano na ba ang kanyang pamilya. Wala pa raw silang napag-uusapan, pero sa Boracay raw gustong pumunta ni Jillian.

Paliwanag niya, “Noong pumunta po kasi ako sa Boracay, may event kami noon tapos pumunta kami doon sa mismong beach pero medyo low tide po kaya gusto ko pong bumalik.”

Excited na rin daw siya na magkaroon ng susunod na proyekto.

Sino ba ang mga artistang gusto niyang makasama rito?

Sagot ni Jillian, “Kahit sino po. Gusto ko rin pong makakilala ng mga bago, kasi po kapag may mga bago akong friends, mas masaya po.”

Para makatanggap ng updates tungkol kay Jillian Ward, maglog-on lamang sa www.gmanetwork.com.

- Text by Samantha Portillo, GMANetwork.com