
Naging emosyonal si Kapuso actress Cheska Fausto sa pagganap niya sa isang episode ng real-life drama anthology na Magpakailanman.
Umikot kasi ang episode tungkol sa anak na inabandona at ipinaampon ng kanyang ina dahil sa droga.
"Parang ganoon 'yung naramdaman ko noong nangyari 'yung with my Dad. Hindi niya 'ko literal na pinaampon pero iniwan niya 'ko because of drugs. Masakit siya kasi ito 'yung tao na akala mo mapapagkatiwalaan mo, ito 'yung taong akala mong mag-aalaaga sayo, magpapalaki sa 'yo. Pero hindi pala eh, iiwan ka rin pala niya," bahagi ni Cheska sa isang eksklusibong interview.
Inamin din ni Cheska na wala ang tatay niya sa piling ng kanilang pamilya dahil nag-suicide ito.
Nasaksihan pa daw mismo niya ito kaya isa itong pangyayari sa buhay niyang talagang hindi niya malilimutan.
"Siguro 'yung pinakamahirap patawarin noong nagpakamatay 'yung Dad ko becuase of drugs. Kasi sobrang bata ko pa noon eh, as in I think I was five or six years old. Naaalala ko siya kasi nakita ko, nakita ko noong nangyari 'yun," paggunita niya.
Sinusubukan pa daw niya noon na mag-imagine kung kung paano ang takbo ng buhay niya kung present dito ang tatay niya.
"Growing up, lagi kong iniisip na parang paano kaya 'pag hindi siya nawala, 'pag hindi niya 'yun ginawa? But at the end of the day, na-realize ko na tao lang din naman pala siya, nagkakamali. Siguro nasa dark moment siya noon kaya sino ba naman ako para hindi makapag-move on at hindi siya patawarin," lahad ng aktres.
Masasabi daw ni Cheska na wala na siyang kahit anong galit sa tatay niya ngayon.
"Napatawad ko na siya ngayong na nasa edad na ko na ganito. Noong bata ako, hindi ko 'yun maintindihan. I could finally say na yes, napatawad ko na siya," paliwanag niya.
Naniniwala din daw si Cheska na hindi ito magagawa ng tatay niya kung hindi dahil sa pagkakalulong sa droga.
Ipinagdarasal din niyang masaya ito sa kinaroonan ngayon.
"Hindi niya 'yun gusto mangyari. It's just that 'yun 'yung nangyari at that moment. Kung nasaan man siya ngayon, sana masaya siya at lagi niyang tandaan na napatawad ko na siya at mahal na mahal ko siya," aniya.
Samantala, isa si Cheska sa hosts ng podcast ng TRGGRD! kasama ang kapwa Kapuso stars na sina Thea Astley, Sean Lucas, at Jeff Moses kung saan pinag-uusapan nila ang ilang mga taboo topics ng kanilang henerasyon.
Regular na bahagi rin si Cheska ng longest running gag show sa Pilipinas na Bubble Gang.
Bago nito, isa siyang beauty content creator at influencer.
KILALANIN PA SI CHESKA FAUSTO SA GALLERY NA ITO: