Celebrity Life

Barbie Forteza, tina-track ang cellphone ni Jak Roberto

By Marah Ruiz

Three months daw hindi nagkita nang magsimula ang quarantine ang magkasintahang sina Jak Roberto at Barbie Forteza.

Ayon kay Jak, ito ang pinakamatagal na panahong hindi sila nagkita ni Barbie simula nang nabuo ang kanilang relasyon.

"Ito 'yung longest talaga na mas malala pa sa nag-abroad. Kasi ito magkasama lang, as in QC [Quezon City] lang pero hindi kami makapagkita compared noon," kuwento ni Jak sa isang online interview ng ilang piling miyembro ng media, kasama ang GMANetwork.com.

Hindi naman daw ito masyadong ininda ni Jak dahil gusto niyang manatili silang safe mula sa COVID-19.

"Pero okay lang naman, ganoon naman talaga, e.

"Kailangan natin sundin 'yung mga safety measures para hindi tayo mag-spread ng virus.

"Para matapos na to, kailangan lang natin mag-cooperate," aniya.

Dahil dito, magkahiwalay din nilang ipinagdiwang ang kanilang third anniversary.

"Kasi nung nag-third year anniversary kami, dapat pupunta ko kanila para mag-prepare ng something.

"Pero 'yun 'yung time na in-announce na hindi pa GCQ [general community quarantine], MECQ [modified enhanced community quarantine] pa lang so bawal pa rin lumabas," pag-alala niya.

"Ang ginawa ko na lang, Zoom meeting ulit. Tinuruan ko siyang mag-steak noong time na 'yun pero hindi na namin vinlog," dagdag pa niya.

Napatibay naman daw ng quarantine ang kanilang relasyon lalo na at pinatibay din nila ang komunikasyon nila sa isa't isa.

"'Yun for me talaga, 'yung communication 'tsaka 'yung trust [ang mahalaga].

"Buti na lang' yung personality ni Barbie hindi talaga 'yung sobrang selosa. Wala rin naman siyang pagse-selosan," pahayag ni Jak.

Kahit bago pa man magkaroon ng pandemic, sinuguro na daw niyang mapagkakatiwalaan siya ni Barbie.

"Para talaga ma-full trust siya sa akin, binigay ko talaga 'yung tracking sa phone ko para alam niya kung nasaan ako.

"Alam niya kung anong ginagawa ko, hindi ko na kelangan mag text. Naka-track ako sa kanya," bunyag ni Jak.

Ideya daw niya ito para wala nang ipag-alala pa ang nobya.

"Ako na nag-insist. Sabi ko, i-track mo na lang ako para hindi mo na ko hahanapin.

"Wala naman siya dapat ipagselos din or something. Confident naman po ako," ani Jak.

Minsan nang ibinahagi ni Jak na nais niyang magpakasal sa edad na higit 30 anyos, habang 28 years old naman gustong magpakasal ni Barbie.