Celebrity Life

Jak Roberto, nakalimutan ang birthday ni Barbie Forteza?

By Bianca Geli

Naging madamdamin ang 23rd birthday ni Kapuso Primetime Princess Barbie Forteza dahil sa kakaibang sorpresa sa kanya ng boyfriend na si Jak Roberto.

Kuwento ni Jak sa kanyang latest vlog, "So naisipan ko ulit i-prank si madam. Naging successful 'yung second prank natin, nahuli ko naman siya.

"Ang plano ko ngayon, ipa-prank ko siya na kunwari nakalimutan ko 'yung birthday niya. Alas dose na ngayon, hindi ko pa siya binabati ng birthday niya. Hindi ako nag-memessage sa kanya, hindi rin ako tumatawag. Kahit sa social media hindi ako nag-po-post tungkol sa birthday niya."

Dagdag ni Jak, "Usually kapag birthday niya, alas dose pa lang ng hatinggabi bumabati na ako at nagpo-post na ako sa social media. Ngayon wala talaga akong paramdam."

Patagong nag-set up ng camera si Jak habang hinihintay si Barbie sa sala ng bahay nito. Patay-malisya kunwari si Jak nang dumating si Barbie. Pasimpleng nagkikuwento si Jak na tila walang alam na kaarawan ng girlfriend niya.

Tanong ni Jak, "Anong ginawa mo kahapon?"

"Nag-abang ng messages nila," sagot ni Barbie.

"Bakit?" ani Jak.

Pakipot na sagot ni Barbie, "Kasi nga, 'di ba...nanganak na si Ate?"

Lalo namang tumindi ang pagkabalisa ni Barbie nang magkunwari si Jak na aalis muna ito panandalian para magpa-carwash.

Saad ni Barbie, "Aalis ka ulit? Pagka-carwash mo kaya, umuwi ka na lang?"

Tuluyan pa ring lumabas si Jak ng bahay, pero para lamang kunin ang regalo niya sa girlfriend. Agad naman itong bumalik sa loob na may dalang regalo at bouquet habang kumakanta ng "Happy birthday."

Naluha si Barbie sa sorpresa, at inakalang nalimutan talaga ni Jak ang kaarawan niya. "Mga kaaway ko nga binati na ako e," kuwento ni Barbie.

Jak Roberto pranks Barbie Forteza

Paliwanag naman ni Jak, "'Di ba lagi akong bumabati at nagpo-post agad? Kahapon nakaisip na naman ako ng kalokohan, alam mo naman pag-quarantine minsan walang magawa. Sorry na."

Panoorin:

Kapuso Showbiz News: Jak Roberto at Barbie Forteza, mala-LDR ngayong quarantine

IN PHOTOS: Barbie Forteza's iconic teleserye characters