Celebrity Life

LOOK: Joyce Pring's date night with 'Padre Salvi' Juancho Trivino

By Jimboy Napoles

May nakatutuwang post ngayon ang TV host at celebrity mom na si Joyce Pring tungkol sa kanyang asawa na si Juancho Trivino na gumaganap ngayon bilang si Padre Salvi sa pinag-uusapang Kapuso series na Maria Clara at Ibarra.

Kinaiinisan ngayon ng mga manonood ang karakter ni Juancho sa naturang historical portal fantasy series dahil sa kanyang pagiging kontrabida sa mga buhay nina Maria Clara at Crisostomo Ibarra. Bukod dito, trending topic din online ang kakaibang look ni Juancho bilang si Padre Salvi dahil sa hairstyle nito na itsurang panot.

Nilinaw naman ni Juancho sa isang panayam na ang tawag sa buhok ni Padre Salvi ay hindi panot at kung 'di ay tonsure.

Aniya, "Ginagawa siya sa mga bagong kura. It's called the tonsure, so hindi siya panot. Sadya siya noong unang panahon na kinakalbo talaga 'yung top."

Ang tonsure ay ang pag-aahit ng itaas at gitnang bahagi ng ulo bilang simbolo ng pagpapakumbaba ng isang taong papasok sa pagpapari.

Sa Instagram, ibinahagi naman ni Joyce ang ilang mga larawan mula sa kanilang date night ni Juancho kung saan pabiro niyang pinatotohanan na mayroon talagang buhok sa ulo ang kanyang asawa.

"The rumors are true… Padre Salvi DOES have a full head of hair. And he makes for a pretty handsome date," saad ni Joyce sa kanyang post.

Sa post na ito ni Joyce, agad naman na nagkomento ang gumaganap na Maria Clara sa serye na si Julie Anne San Jose.

"Señora @joycepring, ako'y natatakot sa kanya," ani Julie Anne.

"@myjaps Naku Maria Clara, wag ka matakot… ako bahala sayo," sagot naman ni Joyce.

February 2020 nang ikasal sina Joyce at Juancho at ipinanganak naman ang kanilang panganay na si Alonso Eliam noong July 2021.

Samantala, patuloy na tumutok sa Maria Clara at Ibarra, Lunes hanggang Biyernes, 8:00 p.m. sa GMA Telebabad.

SILIPIN ANG MASAYANG PAMILYA NINA JOYCE AT JUANCHO SA GALLERY NA ITO: