Angelica Hart, hiwalay na kay Andrew Muhlach

Kinumpirma ang aktres na si Angelica Hart na hiwalay na nga sila ng aktor na si Andrew Muhlach matapos ang dalawang taong relasyon.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Biyernes, August 21, kasama ang 'Taskforce Firewall' co-star na si Buboy Villar, sinabi ni Angelica na okay naman ang lagay ng puso niya ngayon. Ngunit nang tanungin siya ni King of Talk Boy Abunda kung totoo ba ang balitang hiwalay na sila ni Andrew, sagot ng aktres, “Opo, Tito Boy. Hiwalay na po kami.”
Pagbabahagi ni Angelica, noong nagsisimula pa lang ang kanilang relasyon ay okay naman sila at masaya sila pareho ni Andrew. Sa katunayan, “Lahat po ng gusto naming gawin sa relasyon namin, nagawa namin.”
“Nu'ng medyo tumagal na po kami, du'n na po namin parang nakita ýung differences po namin. Parang personality po. Pero sa lahat ng bagay naman po magkasundo kami,” sabi ni Angelica.
Paglilinaw niya, maayos din ang kanilang hiwalayan at sa katunayan, ngayon ay “mabuting magkaibigan” sila. Sinabi rin ng aktres na walang third party involved sa kanilang hiwalayan.
Sinabi rin ni Angelica na hindi naging dahilan ang pagiging sexy star niya noon sa kanilang hiwalayan lalo na at may dalawang taon na siyang hindi gumagawa ng sexy projects.
Nang hingin naman ng batikang host ang leksyon na natutunan ni Angelica tungkol sa pag-ibig at relasyon, sabi ng aktres, “Wag kang matatakot ibigay lahat. Hindi ka nagtitira.”
Paliwanag ni Angelica, “Kumbaga hindi ako naniniwala sa ano na 'pag nanggaling ka sa ganitong relationship and then ang dami mong trauma, tapos ang daming nangyari sa ýo, tapos sa second relationship mo, magtitira ka. Ibigay mo kung ano ka talaga, kung paano ka magmahal, kung sino ka.”
“Kasi du'n mo masasabi kung sino ka. Hindi dahil madami kang naramdaman, naranasang trauma. Kumbaga pinapakita mo kung sino ka, kung papaano ka magmahal as a person kasi makakahanap at makakahanap ka ng tao na sa-swak sa pagmamahal na kaya mong ibigay,” sabi ng aktres.
RELATED CONTENT: BALIKAN ANG ILAN SA MGA NAKAKAGULAT NA HIWALAYAN NG CELEBRITY COUPLES SA GALLERY NA ITO:













































































