Behind-the-Scenes: Aiai Delas Alas, ikukuwento ang kanyang madamdaming istorya sa 'My Mother, My Story'

Isa na namang nakakaantig na istorya ang matutunghayan ngayong Linggo (October 27) sa limited talk series na My Mother, My Story.
Bilang espesyal na pagtatapos sa unang season ng programa, tampok ang kilalang Comedy Concert Queen at malapit na kaibigan ni Boy Abunda na si Aiai Delas Alas.
Ikukuwento niya ang kanyang madamdaming istorya kung paano siya pinalaki ng dalawang ina--ang kanyang biological mother na si Gloria Hernandez at ang kanyang adoptive mother na si Justa Delas Alas. Ibabahagi rin ni Aiai kung paano nabuo ang kanyang personalidad bilang isang ina sa entertainment industry at totoong nanay sa kanyang mga anak na sina Sancho Vito, Sophia, Sean Nicolo, at Seth Andrei.
Puno rin ng inspirasyon ang kanyang panayam dahil ikukuwento niya ang mga pagsubok na hinarap niya sa buhay bilang adopted child, ina, at mapagmahal na asawa. Babalikan din ni Aiai ang kanyang mga hinarap na matitinding kontrobersiya at pagsubok na may kinalaman sa kanyang makulay na buhay pag-ibig.
Kasama rin, sasagutin ng Kapuso comedienne ang tanong ng programa na, "Sino ka nang dahil sa iyong ina?"






