David Licauco, inaming seloso; may sarili na ring 'university'?

Seloso ka ba? Enroll na sa DLSU o David Licauco Seloso University.
Aminado ang Kapuso breakout actor na si David Licauco na isa siyang selosong boyfriend pagdating sa kanyang mga nagiging girlfriend.
Sa muling pagbisita ni David sa Fast Talk with Boy Abunda, tinanong siya ng batikang TV host na si Boy Abunda kung ano ang masasabi niya sa anti-selos university ni Jak Roberto, ang boyfriend ng kanyang leading lady na si Barbie Forteza.
Ayon kay David, siya rin ay may sarili nang university.
Aniya, “Sa akin ano e, DLSU, David Licauco Seloso University.”
“Gusto ko 'yon. Palagay ko maraming mag-e-enroll diyan,” natatawang sinabi ni Boy kay David.
Ayon kay David, totoong seloso siya bilang isang boyfriend. Aniya, “Siguro depende rin sa context of the situation 'di ba? Siyempre kung lalabas naman talaga 'yung girlfriend mo with her friends, siyempre kailangan mo intindihin yun. Okey lang 'yun.”
Paglilinaw ni David, protective lamang siya sa kanyang mga nagiging girlfriend.
“Pero minsan kasi may mga guys na iba 'yung pakay 'di ba? As a guy alam ko kung sino 'yung guy na puwede mong pagkatiwalaan at hindi mo puwedeng pagkatiwalaan,” anang aktor.
Paglalahad pa ni David, “Seloso ako in a way pero I don't really say it na parang, 'Uy, nagseselos ako.' Siyempre hindi rin naman yun maganda. Siyempre may sarili rin siyang buhay, may sarili rin akong buhay. Sa sarili ko lang. I'll just keep it to myself.”
Samantala, tuluy-tuloy ang pagpapakilig nina David at Barbie sa kanilang upcoming Kapuso limited series na Maging Sino Ka Man na malapit nang mapanood sa GMA Primetime.
Patuloy naman na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.
Pero bakit nga ba malakas ang tambalang BarDa?
Bukod sa pagpapakilig, nagpasalamat sina Barbie at David sa mainit na pagsuporta ng kanilang fans. Balikan ang sweet moments ng FiLay sa nasabing Thanksgiving Fans Day sa gallery na ito:










