Kontrobersyal na Physicians Licensure Exams board topnotcher, pinangalanan na!

Kamakailan lang, naging usap-usapan ang naganap na Physicians Licensure Exam (PLE) results dahil hindi isinapubliko kaagad ang top 6 ng exam takers ng Professional Regulation Commission (PRC). Sa katunayan, ang pangalan ng topnotcher, minarkahan pa nga ng Name Withheld.
Sa episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho nitong nakaraang linggo, sinabi ng PRC na ginawa nila ito dahil kailangan muna raw nila i-verify ang resulta ng examinees. Ngunit dahil dito, nagkaroon na ng mga haka-haka ang publiko. Sabi ng ilan, posibleng nandaya ang topnotcher, habang ang iba naman, sinabing maaaring under investigation pa ito.
Sa isang Facebook post ngayong Linggo, nagpakilala na ang topnotcher na si Dr. Erwin Ken Parchaso mula sa Lyceum Northwestern University sa Dagupan City, Pangasinan. Nakuha niya ang pinakamataas na marka na 95.17 percent mula sa 1,954 na examinees.
Pagbabahagi ni PRC Assistant Commissioner Lord Louis P. Valera, ang PLE ang isa sa pinakamahirap na board exams na tumatagal ng apat na araw.
Sa panayam ng KMJS kay Erwin, inamin nitong confident siya habang kumukuha ng exam, lalo na at nakakasagot naman siya.
“But when the results came out, du'n na nag-pop 'yung messages. 'Yung mga ka-batch ko sa review center that time, nagko-congratulations na sila isa't isa. Pero hindi ko nakita du'n sa mga messages na 'Congrats, Ken,'” pagbabahagi ni Erwin.
Sabi pa niya, na-depress siya ng husto nang mapansing wala ang pangalan sa resulta ng mga nakapasa.
“Gumuho talaga 'yung mundo ko na inisip ko, 'Bagsak na naman! Uulitin ko pa ba 'to? Mag-aaral na naman ba ako?' Pero sa isip-isip ko, 'Ayoko na! Pagod na 'ko!'”
Sa kabila ng depresyon na ito, nanumbalik kay Erwin ang dahilan kung bakit nga ba niya pinasok ang pagdodoktor. Una, para sundan ang yaoak ng kaniyang ate, at pangalawa, para magbigay ng pag-asa sa mga nakasasalamuhang pasyente noong nagna-nurse pa lang siya.
“Doctors don't just treat or diagnose a disease; they save a person's whole world. Gusto kong maging ganu'n sa isang tao,” sabi ni Erwin.
Ngunit hindi naging madali ang paglalakbay niya dahil sa National Medical Admission Test pa lang na prerequisite sa pagpasok sa medical school, bumabagsak na siya.
Dagdag pa niya, nauubusan na rin siya ng budget kaya napilitan siyang pumasok bilang isang human resources ng isang kumpanya, at nagtrabaho bilang online English Tutor.
Bumagsak man sa unang exam at hindi nakadalo sa ikalawa, pinagpursigihan ni Erwin ang ikatlong pagkakataon niya. Ginawa niyang inspirasyon ang asawa at anak para ipagpatuloy ang pangarap at pinilit kumuha ng board exam nitong March.
Ngunit ang plot twist, hindi lang siya pasado sa exam, topnotcher pa. Kahit ang ina at ama ni Erwin, hindi makapaniwala.
“It's overwhelming hanggang ngayon na si 'Name Withheld' pala is ako pala. Hindi ko ma-put sa words na masaya ako. Sobra, sobrang saya,” sabi ni Erwin.
Samantala, ipinaliwanag din ni Valera na sa nagdaang sampung taon, ang score ni Erwin ang pinakamataas. Kaya naman, napilitan silang mag-statistical verification para masigurado na tama ang data nila.
KILALANIN ANG CELEBRITIES NA NAGTAPOS BILANG TOP NG KANILANG KLASE SA GALLERY NA ITO:





























