Magkapatid na Ian at Matet de Leon, nagkaayos na nga ba?

Naghatid ng mensahe si Ian de Leon sa kaniyang kapatid na si Matet de Leon sa pamamagitan ng isang Facebook post noong Martes, June 30. Dahil dito, napaisip ang mga netizen kung nagkaayos na nga ba ang magkapatid kamakailan.
Ang una ay biological na anak ng National Artist for Film and Broadcast Arts na si Nora Aunor, habang ang huli ay isa sa mga inampon ng yumaong batikang aktres.
Sa post ni Ian sa kaniyang Facebook account na IDL Arts and Paintings, nagpasalamat ang aktor kay Matet para sa aniya'y isang makabuluhang usapan, kung saan binanggit din niya ang pangalan ng kapatid sa dulo.
“Thank you so much for the wonderful conversation! God bless us and our family! @Matet,” sulat ni Ian.
Noong Lunes naman, June 29, nagbahagi rin sa social media si Matet ng isang lumang larawan kasama ang kanilang ina noong sila ay bata pa lamang. Sa post na ito, ipinahayag ng aktres kung gaano niya ka-miss ang Superstar.
“We miss you ma,” maikling caption ni Matet.
Ang mga palitan ng positibong post na ito nina Ian at Matet ay kasunod ng naging hidwaan ng magkakapatid, lalo na nang mag-post si Matet tungkol sa isyu ng mana.
Sa kaniyang naunang pahayag, sinabi ng aktres sa kaniyang mga tagasubaybay na may mga detalye sa pamilya na hindi niya na ibinunyag sa madla.
Binigyang-diin niya na ang mga pahayag ni Ian sa isang panayam ay panig lamang nito at hindi nito nalinaw ang totoong sitwasyon nila.
“Maraming nangyari sa amin na hindi ko na ni-reveal sa inyo dahil hindi naman kayo kasali. 'Pag nalaman ninyo, baka maloka kayo. Nung nagpa-interview siya at nagsabing siya ang sole heir nang paulit-ulit, umikot [ang] mga puwet ninyo. Nag-assume na nang-aagaw kami,” ani Matet.
“Mga 'to naman o. 'Yung amin, ayoko na sanang ilabas. Never kayong nakarinig o nakapanood na nag-overshare ako ha,” dagdag pa niya.
Sa naturang post, hinamon din ni Matet si Ian na aminin sa publiko ang mga pagkakamali nito at pabulaanan ang tsismis na nangangamkam sila ng mana.
“Para sa 'yo, 'Kuya' Ian, sana sinabi mo rin sa tao 'yung mga nagawa mong mali. Na hindi totoong nangkakamkam kami.”
Sa isang eksklusibong panayam naman sa Fast Talk with Boy Abunda, ibinahagi noon ni Ian ang kasalukuyang kalagayan ng kanilang relasyon at inamin na mayroon nga silang hindi pagkakaunawaan.
Ayon sa aktor, normal lang sa isang pamilya ang magkatampuhan, lalo na't kilala sila sa mata ng publiko.
“As far as I'm concerned kasi, in a family unit — unfortunately for us kasi we're, you know, public. Everyone knows what's happening. But people have to understand that family units have their own misunderstandings,” pahayag ni Ian.
Sinabi pa niyang hinahayaan niya na lamang na panahon ang maghilom sa kanilang sitwasyon.
“So para sa akin, it's only a matter of time. I would let time take its own course. You know, I don't want to force anything until it's the right time for things to be solved,” ani ng aktor.
Noong Mayo ng nakaraang taon, mismong si Matet na rin ang sumalang sa Fast Talk with Boy Abunda kung saan itinanggi niya na may malalim silang hidwaan ni Ian, at binigyang-diin na isa lamang itong karaniwang “misunderstanding” o hindi pagkakaunawaan ng magkapatid.
Matatandaang yumao ang Superstar na si Nora Aunor noong April 16, 2025, sa edad na 71. Ayon kay Ian, acute respiratory failure ang naging sanhi ng kamatayan ng kaniyang ina.
Related Gallery: Everything we know about the Nora Aunor inheritance issue and the De Leon siblings' rift







