Miguel Tanfelix, proud na maging parte ng 'Be Juan Tama' campaign

Magiging parte na rin si Sparkle star Miguel Tanfelix at ang kaniyang upcoming show na Planet XP sa hanay ng mga host at programa sa advocacy campaign ng GMA Network na “Be Juan Tama."
Matatandaan na noong August 2025 nang unang inilunsad ang naturang adbokasiya na hinihikayat ang mga manonood na maging “Be Juan Tama” at piliing panoorin ang mga programang nagpapaunlad ng kaisipan, emotional, at social growth.
Bahagi ng adbokasiyang ito ang mga programang Amazing Earth, Fast Talk with Boy Abunda, at iBilib at ang mga host nitong sina Dingdong Dantes, Boy Abunda, at Chris Tiu.
Nitong Miyerkules, April 22, inilunsad si Miguel Tanfelix at ang kaniyang upcoming travel show na Planet XP bilang pinakabagong makakasama sa kampanyang nanghihikayat na piliin ang tamang impormasyon at gumawa ng tama.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Miyerkules, April 22, ibinahagi ni Miguel kung gaano kasarap sa kaniyang pakiramdam na maging bahagi at i-welcome ng ibang hosts sa “Be Juan Tama.”
Ngunit pag-amin ng aktor, may kaakibat din itong pressure na maihilera sa kapwa niya hosts, “Pinakita sa 'kin 'yung slides. Kuya Dong, ikaw, Kuya Chris Tiu, medyo may pressure siya na siyempre kailangan mong maging conscious sa mga gagawin mo dahil maraming tumitingin sa 'yo ngayon. Tinitingala ka ng mga kabataan.”
Ngunit sa kabila ng matinding pressure na nararamdaman, sinabi ni Miguel na itopa rin ang daan na gusto niyang tahakin dahil ito ang magbibigay kamalayan sa mga kabataan kung ano-anong mga programa ang dapat nilang panoorin.
BALIKAN ANG NAGANAP NA PAGPIRMA NG MOA NG 'BE JUAN TAMA' SA GALLERY NA ITO:
Ayon kay Miguel Tanfelix, ang Planet XP ay isang programang naglalayon na turuan ang mga kabataan at bawat manonood na mag-reconnect sa nature lalo na sa panahon ngayon na mas laganap na ang paggamit sa gadgets.
“Importante na meron tayong time para sa nature, and dahil du'n, meron tayong matututunan about ourselves and sa nature din. And 'yung mga episode po namin sa Planet XP, pumupunta kami sa nature, sa mga community para matuto,” sabi ng aktor.
Sa naganap na Be Juan Tama talks kasama si Miguel Tanfelix at ang Philippine National Council for Children's Television Chairperson na si Dr. Luis P. Gatmaitan, inamin ni Miguel na parte na ng buhay niya ngayon ang paggamit ng gadgets. Ngunit paglilinaw ng aktor, importanteng may balance pa rin.
“Nakadikit na rin sa everyday lives natin 'yung gadgets so mahirap iwasan, aaminin ko, mahirap iwasan dahil 'yun 'yung requirements natin, lalo siguro sa mga estudyante, lalo na kapag may kailangan i-submit sa online, gawin online. Pero ang masasabi ko lang, dapat balanced,” sabi ni Miguel.






