My Guardian Alien: Ang pinagdaanan ng pamilya Soriano

Mabibigat at nakakaantig na mga tagpo ang napanood sa unang linggo ng newest primetime series na My Guardian Alien.
Matatandaan na ipinakilala ang pamilya Soriano na binubuo ng mag-asawang sina Katherine (Marian Rivera) at Carlos (Gabby Concepcion), at ang kanilang anak na si Doy (Raphael Landicho).
Isang trahedya ang sinapit ng pamilya Soriano dahil sa hindi inaasahang pagkamatay ni Katherine matapos siyang barilin ni Minggoy (Arnold Reyes). Bago ito nangyari, nasaksihan ni Katherine ang pagpatay ni Minggoy sa kapwa nitong magsasaka na si Berto dahil sa alitan tungkol sa lupa.
Labis ang sakit na naramdaman nina Carlos at Doy dahil sa pagkamatay ni Katherine.
Samantala, nagulat ang mga tao nang makita ang mga lumilipad na ilaw sa kalangitan. Isang pod ang bumagsak sa mausoleum, kung saan nakahimlay si Katherine, at ginaya ng life force na nilalaman nito ang anyo ng una.
Nang magpunta si Carlos sa puntod ni Katherine, natanaw niya mula sa malayo ang isang “tao” na kahawig ng kanyang yumaong asawa ngunit nawala rin ito sa kanyang paningin.
Nakaranas ng pambu-bully si Doy sa paaralan at agad siyang iniligtas ng "taong" kamukha ng kanyang Mommy Katherine nang makita nito ang pagtatangka ng mga kaklase ng una na batuhin siya.
Nang sumapit ang gabi, binisita si Doy ng “taong” nagligtas sa kanya at agad niya itong niyakap dahil akala niya ito ang kanyang Mommy Katherine.
Patuloy na subaybayan ang My Guardian Alien tuwing Lunes hanggang Biyernes, 8:50 p.m., sa GMA Prime.
Silipin sa gallery na ito ang mga naganap sa buhay ng pamilya Soriano sa nakalipas na linggo.




