Nico Locco on break up with Christine Bermas: 'Final na po'

“I am happy now. Final na po.”
Ito ang naging pahayag ng model-actor na si Nico Locco nang mausisa tungkol sa relasyon nila ni Christine Bermas.
Nakausap ng GMANetwork.com at ilang entertainment media si Nico sa ginanap na “Sandosenang Saya” event na inihanda ng VMX (dating Vivamax) kahapon, October 10.
Hanggang maaari, sabi ni Nico, “I don't want to add many comments there. 'Pag private life, private life.”
Sa katunayan, nang tanungin kung totoo ang bali-balitang third party ang dahilan ng muli nilang paghihiwalay, balik-tanong ni Nico: “Sino? Sino?”
Pagkatapos ay matalinghaga niyang sinabi, “Wala akong comment. Basta ang nakikita ko na image sa mind ko is a wolf in sheep's clothing… Not everybody is who they are as it seems.”
Dagdag pa niya, “Ito na lang, kasi lalaki ako and where I come from and how I live, I just take into my chest. I don't talk about my problems or other people's problems. I respect other people. Kung anuman ang problem nila or problem niya, I hope maging okay lahat.”
Anong aral ang natutunan niya sa naging relasyon nil ani Christine?
Sagot ni Nico, “In every relationship may lessons, e. I mean, sobrang judgmental ang mga tao nowadays, right? We can judge somebody for the decisions and mistakes they make.
“But in a relationship, there are two people. Everybody makes mistakes, not just the guy, not just the woman. The fact we own up to it and we try to do better for our partner 'yan pinaka importante.
“My lesson there is be more careful in choosing your partner and understanding kung sino sila.”
Matatandaan na noong May, naging usap-usapan ang guest appearance nina Nico at Christine sa “EXpecially For You” ng It's Showtime.
Dito, nabanggit ng aktres ang diumano'y panloloko ng kanyang dating boyfriend, na dahilan ng kanilang hiwalayan. Ngunit kasunod nito ay napabalitang nagkabalikan sila para subukang ayusin ang naging problema sa kanilang relasyon.
Sa ngayon, malinaw kay Nico na hindi posibleng maging magkaibigan sila ng dating girlfriend.
Aniya, “We are not talking and we won't be talking anytime soon.”
Gayunman, sinabi niya na may mga pagkakataong nami-miss niya ito.
“Of course, I do. When you love somebody hindi mawawala 'yan. But kailangan mo mag-decision in life what is best for you as a person, what's best for your heart and you're happy. That's the best decision for me right now. I wish her the best, sana maging better person siya.”
Sa parte naman niya, inamin ni Nico na nasa proseso pa lang siya nag pagmo-move on. Nagkaroon daw kasi siya ng proyekto kamakailan sa Vietnam kaya nagkaroon siya ng kaunting distraction.
Sabi niya, “Naghiwalay kami before that. So, I was busy every day, wala sa isip ko, right? So, parang okay ako. 'Tapos, bumalik ako dito sa Pilipinas, and it all just came back.”
Tinanong ng GMANetwork.com kung paano siya nagmo-move on ngayon.
Napabuntong-hininga siya at sinabi, “It's so hard. Like I said, love na love ko siya, e. I never loved someone so much as her talaga. When you think you're gonna love somebody, 'yan yung feeling ko sa kanya.
“It's hard to move on, 'no? It's hard to move on from breakups. Wala akong sagot diyan kasi I'm just experiencing it now. I'm just trying to stay strong, move on, and distract my mind.”
Sa ngayon, paglalarawan ni Nico sa kanyang estado, “Kailangan nating dumaan sa darkness, before we can see the light. So now, nasa dark room ako, walang light! Pero eventually, sana may light and find happiness again.”
Kung maaari, ayaw na raw ni Nico makipagrelasyon sa kapwa showbiz personality.
“Hindi na showbiz. If ever showbiz, talagang proseso 'yan. I will make sure na talagang bagay yung person para sa 'kin. Ayoko mag-rush. But someone outside showbiz woud be better. Ang dami drama sa showbiz, e,” pagtatapos niya.
Samantala, tingnan ang celebrity couples na nagkabalikan dito:









