Pamilya at fans ni FPJ, nagsama-sama para sa kanyang 20th death anniversary

Nagsama-sama ang mga kaanak at fans ng late King of Philippine Movies na si Fernando Poe, Jr. sa 20th death anniversary nito ngayong Sabado, December 14.
Nagkaroon ng misa kaninang umaga sa Manila North Cemetery, kung saan nakahimlay ang mga labi ng National Artist for Film. Dumalo rito ang anak ni FPJ na si Senator Grace Poe, kasama ang anak niyang si Brian Poe Llamanzares; pamangkin ni FPJ at presidente ng FPJ Productions, Inc. na si Jeffrey Sonora; Nova Villa; at iba pang mga kaanak at kaibigan ng namayapang action star sa industriya.
Matapos ang misa, pinangunahan ni Sen. Grace ang candle lighting sa puntod ni Da King, na nasa loob ng museleo ng Pamilya Poe.
Nag-alay din ng panalangin ang senadora para sa kanyang ama at namayapang ina na si Susan Roces, na katabi lang ang puntod ni Da King.
Sa pagtatapos ng maikling programa, nagpasalamat ang pamilya ni FPJ sa lahat ng fans ng yumaong batikang aktor. Malugod din nilang inanunsyo na mapapanood ang digitailly restored films ng action star sa telebisyon via 'FPJ sa GMA' sa 2025.
Tingnan ang mga larawan mula sa 20th death anniversary ni FPJ.









