'Prinsipe K' Bayani Casimiro Jr. pumanaw na sa edad na 57

Pumanaw na ang dating komedyante na si Bayani Casimiro Jr. sa edad na 57. Kilala siya bilang si Prinsipe K o Prinsipe ng Kahilingan mula sa 'Okay Ka Fairy Ko' na serye at sa 'Enteng Kabisote' film series.
Sa ulat mula sa GMA News, sinabing kinumpirma ng kapatid ni Bayani na si Marilou ang malungkot na balita. Aniya, pumanaw ang kaniyang kapatid noong July 25 dahil sa cardiac arrest.
Nakaburol ang mga labi ni Bayani sa St. Peter's Memorial Chapel sa Sucat, Parañaque City, at nakatakda naman ang cremation at libing sa Loyola Memorial Park sa Parañaque City sa July 30.
Si Bayani ay anak ng beteranong aktor na si Bayani Casimiro Sr. na pumanaw noong 1989. Isa rin siya sa mga orihinal na cast member ng TV at movie series na 'Okay Ka Fairy Ko' at 'Enteng Kabisote' na pinagbibidahan ni Vic Sotto, at ipinalabas din sa GMA Network.
Sa report ng 24 Oras noong 2019, ibinahagi ni Bayani na nilisan niya ang showbiz at itinuon ang pansin sa pagiging isang graphic artist.
Samantala, hiniling naman ni Marilou na maipaabot sa dating co-stars ng kapatid ang pagpanaw ni Bayani.
RELATED: MGA KOMEDYANTENG NAGPASAYA NOON NA NAMAALAM NA:


































