
Bukod sa matinding ensayo, inaral din nina 1st.One Joker at Sugar Mercado na maging komportable sa isa't isa para sa kanilang jive dance performance sa Stars on the Floor 2026.
Sa isang panayam sa kanila sa backstage chikahan kasama ang livestream hosts na sina Lexi Gonzales at Thea Astley, ibinahagi ni Joker na nag-adjust siya sa former SexBomb Girls member upang maging swak ang kanilang performance bilang duo.
“Lagi ko lang tinatatak sa sarili ko na hindi lang ako mag-isa 'yung sumasayaw sa entabladong 'to, and lagi kong iniisip si Ate Sugar,” pag-amin ng P-pop dance star.
Ibinahagi rin ni Joker na iniisip niya kung paano magiging bagay ang genre sa kanilang dalawa, dahil naiintindihan niyang hindi sila pareho ng pinanggalingan ni Sugar.
Dagdag pa niya, “So, talagang ina-adjust ko rin naman kay Ate Sugar na maging komportable na ka-partner niya ako.”
Samantala, si Sugar naman ay nakaramdam ng hiya para sa kanyang ka-duo na si Joker.
“Nahihiya rin kasi ako sa kanya e. Sobrang hiya ko sa kanya. Talagang sinasaulo niya, saulo niya kahit na bago sa kanya 'yung genre,” sabi niya.
Inamin ni Sugar na nahihiya siya kay Joker dahil mabilis nitong nakukuha ang mastery ng jive.
“'Yung parang naaano ako na nakukuha niya agad. Parang ang bigat sa akin na siya doon lang din naman niya naaaral 'yung sayaw niya, tapos ako parang pinipilit ko talaga 'yung best ko tapos parang hindi siya pumapasok,” kuwento niya.
Abangan ang mas nag-iinit pang performances sa Stars on the Floor 2026 tuwing Linggo, 7:15 p.m. sa GMA, Kapuso Stream, at GMA Pinoy TV.
RELATED GALLERY: Top dance star duos who stole the spotlight on 'Stars on the Floor' 2026