
Nalampasan na ang record ng Eat Bulaga hosts na sina Jose Manalo at Wally Bayola bilang may pinakamabilis na oras na nahulaan ang isang salita sa segment na “Pinoy Henyo” ng nasabing noontime show.
Sa December 24, 2022 episode ng segment, pinabilib nina Jose at Wally ang dabarkads nang mahulaan nila ang “Pinoy Henyo” word na “crispy pata” sa loob lamang ng 22 segundo.
Samantala, kahapon, araw ng Lunes (January 9), na-beat ng contestants na sina Patricia at Josland na kapwa mga opisyal ng barangay Bagong Silangan sa Quezon City ang record nina Jose at Wally nang mahulaan nila ang salitang “wallet” sa loob lamang ng siyam na segundo.
Sa kanilang paglalaro, si Josland ang tagabigay ng clue na sasagot ng “Oo,” “Hindi,” at “Puwede”; habang si Patricia naman ang manghuhula sa “Pinoy Henyo” word na, “Wallet.”
Nang magsimula ang laro, kahit nagja-jumble pa ang pinapahulaang salita, kaagad na nagtanong si Patricia ng "tao,” “bagay.” Dito ay agad na sumagot si Josland ng "oo" nang sabihin ni Patricia ang bagay.
Kasunod nito, agad na nanghula si Patricia ng mga bagay na nasa loob ng bag kung saan agad din niyang nasabi ang pinapahulaang salita na "wallet," na sakto naman sa pagtigil ng pag-jumble ng mga letra.
Ang official time na nakuha nina Josland at Patricia ay 9.98 seconds na higit na mas mababa kumpara sa record nina Jose at Wally na nasa mahigit 22 seconds.
Dahil dito, sina Josland at Patricia ang tumuloy sa paglalaro sa jackpot round. Alamin kung nakuha rin nila ang “Pinoy Henyo” word sa round na ito sa video sa ibaba:
Patuloy na tumutok sa Eat Bulaga, Lunes hanggang Biyernes, 12 p.m.; at tuwing Sabado, 11:30 a.m. sa GMA.
KILALANIN NAMAN ANG EAT BULAGA DABARKADS AT KUNG KAILAN SILA NAPABILANG SA NOONTIME SHOW, SA GALLERY NA ITO: