
Makisali sa isang Facebook live chat sina Jennica Garcia at Mike Tan sa Tadhana Facebook page ngayong Sabado (August 7), 1 p.m. para sa kanilang trending na upcoming Tadhana episode na teaser pa lang, umabot na ng 2 million views.
Mapapanood si Jennica bilang si Cathy, isang maangas na lady guard na ililigtas ng isang customer mula sa kapahamakan.
Pangarap ni Cathy (Jennica Garcia) ang maging isang pulis, pero dahil kapos sa pera hindi niya naipagpatuloy ang pag-aaral sa kolehiyo. Kumuha na lang siya ng Security Guard Training Program at pinalad namang makapagtrabaho sa isang kilalang talyer sa Maynila.
Dito niya makikilala ang gwapo at mayamang kliyente na si Yohan (Mike Tan) na iibigin niya. Subalit tila mapaglaro ang tadhana sa buhay ng dalawa. Habang tumitindi ang kanilang pag-ibig sa isa't isa, unti-unti namang mabubunyag ang madilim na nakaraan ni Cathy.
Madidiskubre niya ang lalaking nagtangkang lumapastangan sa pagkababae niya noon at kilala ito ni Yohan!
Sino nga ba ang lalaking ito? Paano ito makaaapekto sa pag-iibigan ng dalawa? Matulungan kaya ni Yohan si Cathy na makuha ang hustisya?
Samahan si Primetime Queen Marian Rivera sa Tadhana: Sekyu in the City, ngayong Sabado, 3:15 p.m. sa GMA-7!