
Sa episode ng Abot-Kamay Na Pangarap na ipapalabas ngayong araw, November 8, isang tao ang magbabalik sa buhay ng mag-inang Lyneth (Carmina Villarroel) at Dra. Analyn (Jillian Ward).
Makalipas ang mahabang panahon, muling makikita ni Analyn si Aling Susan (Dexter Doria), ang madrasta ng kaniyang ina.
Dahil sa isang aksidente, mapupunta si Aling Susan sa APEX Medical Hospital kung saan nagtatrabaho bilang doktor ang kaniyang apo na si Dra. Analyn.
Hindi inaasahan ng batang doktor na naging pulubi na ito at nagpalaboy-laboy na lang sa kalsada.
Sa muli nilang paghaharap, tila manunumbalik ang mapapait na ala-ala ni Analyn tungkol sa kaniyang salbaheng lola.
Noong bata pa lamang si Analyn, ilang beses niyang nahuli si Aling Susan na niloloko ang nanay niya na si Lyneth pagdating sa mga gastusin sa bahay.
Ilang beses ding naudlot ang pagpasok ni Analyn sa eskuwelahan dahil sa pang-aapi at pang-aabuso ni Aling Susan sa mag-ina.
Ngayong ibang-iba na ang uri ng pamumuhay na mayroon si Aling Susan, nagbago na kaya ang kaniyang ugali?
Tutulungan kaya ni Analyn ang kaniyang lola?
Ano kaya ang mga susunod na mangyayari ngayong nagbalik na ang kontrabida sa buhay ng mag-inang Lyneth at Analyn?
Panoorin ang video na ito:
Patuloy na subaybayan ang inspirational-medical drama series na ito, mapapanood tuwing Lunes hanggang Sabado, 2:30 p.m., sa GMA Afternoon Prime.
Maaari ring mapanood ang programa via Kapuso livestream.
SAMANTALA, SILIPIN ANG SET NG ABOT-KAMAY NA PANGARAP DITO: