
Nagsilbing inspirasyon kay Ahron Villena ang kuwento ng buhay ni Sugar Mercado, na tampok sa bagong episode ng real-life drama anthology na Magpakailanman.
Ayon sa report ni Nelson Canlas sa 24 Oras noong Huwebes, July 23, inamin ni Ahron na humanga siya sa katatagan at pagbangon ng comedian-actress sa kabila ng mga pagsubok na kaniyang pinagdaanan.
"At the end of the day, may struggles ka. May mga pain kang mararamdaman pero malalagpasan mo din lahat 'yan. God is good all the time naman," sabi ng aktor kay Sugar.
Dagdag pa ni Ahron, naniniwala siyang malalampasan ni Sugar ang anumang pagsubok basta't patuloy itong nananalig sa Diyos.
"So, kahit na anong problema or pagsubok na dumating sayo talaga, as long as you believe in God, talagang nananalig ka sa kanya, I think naniniwala talaga ako sa prayers talaga," aniya.
Samantala, habang papalapit ang pagpapalabas ng kaniyang life story sa Magpakailanman, inamin ni Sugar na hindi rin siya makapaniwala sa dami ng mga pagsubok na kaniyang pinagdaanan sa buhay.
"Ang dami ko pa lang napagdaanan na hirap. Parang lahat 'yun tapos nandito ako ngayon," pahayag niya.
"'Yung binalikan ko, 'yung ate ko nga, kasama doon. Kung saan ka kako lumaki, sa koral, sa babuyan, nanonood siya sa bawat eksena tapos naiiyak siya na naalala ko 'yung bahay natin na hindi tayo mayaman pero sakto lahat," kuwento niya.
Mapapanood ang life story ni Sugar kasama si Ahron sa Magpakailanman ngayong Sabado, July 25, 8:15 p.m. sa GMA.
Panoorin ang buong balita dito:
RELATED GALLERY: Buhay ni Sugar Mercado, tampok sa 'Magpakailanman'