
Lubos ang tuwa ni Comedy Queen Aiai Delas Alas na maraming nanonood ng kanyang vlog sa YouTube.
Kamakailan nga ay pinag-usapan online ang unang episode ng kanyang "Cooking in the House ng Ina Niyo (C.H.I.N.)" vlog, kung saan mapanonood siyang nagluluto nang naka-two piece sa kanyang Hello Kitty-themed kitchen.
"Happy ako kasi ang daming [nanood]. Lalo na yung naka-bikini ako, marami akong viewers, sobra-sobra sa 10 percent ng subscribers," natatawang sabi ni Aiai sa isang panayam kasama ang GMANetwork.com at ilang piling vloggers noong Biyernes, April 23.
Dagdag na biro pa niya, "Hay, salamat at may nangyari sa paandar ko. Malulungkot ako kapag walang pumansin sa akin.
"Sabihin nila, 'O, two-piece pa more, nganga!' At least, di ba, maraming nagsulat, bongga! Panalo ang paandar ko."
Masaya rin niyang ibinalita na dahil sa kanyang trending vlogs, nakikipag-collaborate sa kanya ang iniendorso niyang Hobe Noodles para sa mga susunod pa niyang vlogs.
Ayon kay Aiai, ngayon niya lang ulit napagtuunan ng pansin ang vlogging dahil naging abala siya sa trabaho at business matapos niya itong simulan noong 2019.
"Parang last year, sinimulang ko nang mag-vlog. Kaso ang dami ko pa ring ginagawa. Kasi, nag-pandesal ako noon.
"Marami akong ganap. Nagbebenta ako ng pandesal na ako mismo ang gumagawa. Kaya hindi ko masyadong magawa yung vlog.
"Actually, 2019 yung isa kong vlog, bago pa mag-pandemic. E kaso, busy sa taping, sa shooting, kaya di ko rin maasikaso."
Ngayon, magiging regular na raw ang pagba-vlog niya dahil matutulungan na siya ng kanyang anak na si Sophia at asawa niyang si Gerald Sibayan.
Sabi ni Aiai, "At saka hindi rin ako techy, 'yan ang problema ko. Tinulungan lang ako ngayon ni Sophia at saka si Ralph, yung taga-edit ko.
"Pero si Sophia ang nagvi-video at saka si Gerald minsan kasi hindi ako marunong.
"Ang marunong lang ako yung selfie. Yun lang ang kaya kong gawin kaya hindi ako masyadong ma-vlog, hindi rin ako ma-techy."
Sa kanyang mga susunod na cooking vlog, plano ni Aiai na maglaan ng episodes para sa mga katulad niyang nakararanas ng skin disorder na psoriasis.
"Actually, food ang gamot doon, e, sa totoo lang. Maglilinis ka ng food mo.
"So, yun ang ituturo ko sa kanila, kung ano yung pwede nilang kainin para hindi mag-flare up yung psoriasis nila."
Kung sakali naman daw, ayaw nang gawin topic ni Aiai para sa vlog ang kanyang pribadong buhay tulad ng buhay mag-asawa nila ni Gerald.
Katuwiran niya, "Nagpagdaanan ko na kasi 'yan, e. Sa part ko lang, ha, kasi nanenegahan ako. Ayaw ko ng ganun.
"Ang tagal kong dinaanan 'yan sa showbiz life ko, di ba? Parating ang pinag-uusapan lovelife ko, ganito. Kaya ako na-bash dahil sa lovelife ko.
"Ayaw ko nang ilagay sa YouTube yung tungkol sa buhay ko. Gusto ko, masaya lang. Ganun lang, ayaw ko yung may comment na negative tungkol sa buhay mo. Nakaka-invite siya ng negativity.
"Okay lang sa akin yung, 'Ang kapal-kapal ng mukha mo, nagbi-bikini ka pa.' Okay lang yun sa akin kasi totoo naman 'yon.
"Physically, okay lang, Pero yung tungkol sa buhay, ayaw ko n'on."
Bukod sa kanyang cooking show, asahan din daw ang colloborations sa kapwa celebrity vloggers at pa-house tour ni Aiai, "Kasi, marami rin nagre-request ng house tour."
Silipin ang Hello Kitty-themed house ni Aiai na tampok sa kanyang vlog: