Mula sa biyahe na galing sa Hong Kong, dumiretso ang isang inang overseas Filipino worker sa paaralan kung saan tatanggap ng award ang kaniyang anak. Bitbit pa ang bag na backpack at suot ang jacket at may face mask, umabot kaya siya upang mapasaya ang kaniyang nalulungkot na anak na inakalang hindi niya matutupad ang kaniyang pangako? Alamin.

Sa nakaraang episode ng Good News, makikita sa video footage ang estudyanteng si Sarah Dumrigue, na naglalakad na paakyat sa stage na mag-isa at walang kasamang magulang para tumanggap ng parangal.

“Nadismaya ako kasi akala ko makakapunta po siya, magkakakabit na po siya ng medal sa akin,” saad ng anak na si Sarah.

“Excited po ako ma'am, but at the same time, nalulungkot po dahil gusto ko rin po sana na nandu’n po ako sa tabi nila habang ginagawad po sa kanila 'yung award,” sabi naman ng OFW na si Edena “Den” Dumrigue, ina ni Sarah.

Bago maging OFW, dating manikurista, dealer ng mga beauty products at agent ng mga memorial plans si Edena.

“Dito sa Pilipinas kahit doblehin o triplehin mo 'yung kayod mo ay talagang hindi sa sapat sa isang malaking pamilya katulad ko na mayroon po akong apat na anak,” sabi ni Edena.

Mekaniko ng tricycle ang kaniyang mister ngunit dahil hindi sapat ang kanilang kita, kinailangan niyang makipagsapalaran sa ibang bansa noong 2019.

Mga menor de edad pa lamang ang kaniyang mga anak nang mangibang bansa si Edena.

Kahit na Hong Kong dollar na ang kaniyang kinikita, nangutang pa rin si Edena pa makapagpatayo ng bahay.

“Unang punta ko sa Hong Kong, nakatira lang po kami sa maliit na barong-barong kaya 'yung unang kontrata ko, nagpatayo po ako ng medyo maayos na bahay doon din po sa lugar namin dati. Kailangan ko pa po magbayad ng utang ko po sa mga lending company, mga P200,000 po,” sabi ni Edena.

Malapit si Edena sa bunso niyang si Sarah, na isang “mama's girl.”

“Hanggang ngayon, baby po 'yung tawag ko sa kaniya kasi sobrang close po siya sa akin. Gusto nga niya po halos gabi-gabi katabi niya ako matulog, gano'n po siya,” sabi ni Edena tungkol sa anak.

Halos taon-taon, nakatatanggap ng parangal sa eskuwelahan si Sarah.

Gustuhin man ni Edena na umuwi para sabitan ng medalya si Edena, hindi niya ito magawa dahil nasa ibang bansa siya.

Ngunit 2025, nang tiniyak niyang makakauwi siya sa bansa dahil dalawa sa kaniyang mga anak ang magtatapos na.

Ngunit nagkasabay naman ang graduation day nila.

“Inuna ko po si Sarah na i-escort, magmamartsa. Pagkatapos po ng martsa niya, tumakbo na po ako doon sa lugar kung saan po gaganapin naman 'yung graduation ng isa po pang anak, 'yung kuya niya po. Ang nangyari po, na-delay po 'yung martsa ng kuya. Kaya pagkatapos ng martsa ng kuya, bumalik po ako kaagad sa kaniya. Nu’ng bumalik na po ako, wala na po natawag na po siya,” kuwento ni Edena.

Kaya naman nagtampo si Sarah sa kay Edena.

“‘Yung nagtampo po ako, sinabi niya na babawi lang siya sa pagka grade 7 na po ako. Siya naman po magsasabit,” sabi ni Sarah.

Nang malaman ni Edena na muling pararangalan si Sarah sa kaniyang recognition kamakailan, agad nagpaalam si Edena sa kaniyang amo.

Nakatakdang lumipad pauwi ng Pilipinas si Edena noong Marso 28 para umabot sa Marso 30 na recognition ng anak.

Gayunman, laking gulat niya nang maurong ng Marso 26 ang recognition.

“Doon po nag-panic po ako, na-confirm na ang recognition day is Thursday, March 26,” sabi ni Edena.

Sa pag-aalalang hindi siya aabot sa recognition, nagdesisyon si Edena na magpatulong sa consulate office para mapabilis ang kaniyang travel requirements at termination contract.

Ang kaniyang panalangin, tila dininig ng langit nang dumating ang release papers ni Edena noong Marso 24.

Pagdating ni Edena sa airport ng Marso 25, katakot-takot na aberya ang inabutan niya nang maubusan siya ng direct flight papuntang Butuan sa Agusan del Norte.

Kaya si Edena, piniling lumapag ng Davao at maghintay ng apat na oras.

Bandang 10 p.m. na nakarating ng Davao si Edena at nanatili pa sa terminal. Mahigit isang oras siyang naghintay ng biyaheng bus papunta ng Butuan, na tumatagal ng anim hanggang pitong oras.

Pagdating ng araw ng recognition, hindi na naligo si Edena at dumiretso na siya ng eskuwelahan para maabutan si Sarah.

Nagkaroon pa rin ng aberya sa kahuli-hulihang pagkakataon dahil ang asawa ni Edena na magsasabit ng medalya kay Sarah, na hudyat din ni Edena para magpakita, ngunit hindi narinig ang pangalan ng bata.

Kaya naman si Edena, nagpasiya nang tumakbo papunta sa stage na pasan pa ang backpack at naka-facemask pa.

“Nagulat po ako kasi akala ko po hindi po talaga siya makakapunta sa recognition ko. Kaya naging masaya din po ako kasi akala ko wala po,” sabi ni Sarah.

“Masaya po. Nagpapasalamat po ako kay Lord nakaabot po ako sa oras ng kaniyang recognition day at hindi ko rin po ini-expect na hahantong po sa iyon. Kasi tahimik nga po 'yung pag-uwi ko, walang nakakaalam. Ang nakakaalam lang po ako at saka 'yung employer ko. Kahit pamilya ko hindi nila alam, mga kaibigan ko sa Hong Kong, nagulat na lang sila po na nag-viral na po ako,” sabi ni Edena.

Kinokonsidera ni Edena ngayon na huwag nang mag-abroad at magtrabaho na lamang kasama ang pamilya.

“Magpo-forgo na po talaga ako by 2028. Napaaga po kasi nga para ma-terminate po ako in good term,” sabi ni Edena.

“Pangako ko po sa kanila, kahit pagdaanan po lahat ng hirap, ang importante, mabigyan ko sila magandang kinabukasan,” sabi pa ni Edena. – FRJ GMA News