
From Comedy Queen to Unbothered Queen?
Ito ang naging bansag kay Aiai delas Alas nang idaan niya sa biro ang reaksiyon niya sa pamba-bash sa kanyang BLACKPINK performances sa The Clash.
Matatandaan na nitong nakaraang season ng The Clash, ilang beses naging trending si Comedy Queen Aiai dahil sa pagpe-perform niya ng BLACKPINK hits tulad ng "Ice Cream" at "Lovesick Girls."
Para kay Aiai, ayaw na niyang bigyang-pansin ang kanyang bashers.
"Kasi, in-embrace ko na rin na every aspect ng buhay natin, nandiyan ang mga basher, e, di ba?
"As long as hindi ako nakakasakit ng tao o nakakaapi ng tao, mas natutuwa pa nga yung iba, okay na ako sa pagiging unbothered ko, basta happy lang ako sa ginagawa ko," sabi ni Aiai nang makausap siya ng ilang entertainment reporters, kasama ang GMANetwork.com, sa renewal ng kanyang endorsement deal para sa Hobe Nooodles kaninang tanghali, January 11.
Kahit pa may kumukwestiyon sa kanyang pagiging fan, wala raw makapipigil kay Aiai dahil "Paborito ko talaga kasi ang BLACKPINK."
Pagdating naman daw sa kanyang ginawang K-pop performances sa 'The Clash,' masaya naman siya dahil bukod sa nakapag-entertain siya ay nakamit naman niya ang kanyang goal, ang mag-trend sa social media.
Aniya, "Ayaw ko na rin naman umarte, huwag na tayong magpakaplastik, kapag kumakanta naman ako ng Korean, talagang nagte-trending.
"Di ba, 'yun naman ang essence ng buhay, gusto mo mag-trend ka.
"So, hindi naman ako plastik, talagang gusto kong mag-trend ako, so yun ang ginagawa ko. Nagte-trend ako kapag kumakanta ako ng Korean, so gagawin at gagawin ko yun."
Bagamat may ilang kumukutya, mapapansin na marami na rin ang nagbibigay suporta kay Aiai sa ginagawa niyang pagpe-perform ng BLACKPINK hits. Sa katunayan, tinatawag pa siya ng ilang bilang "fifth member" ng BLACKPINK.
Ano naman ang reaksiyon niya rito?
Agad na sagot ni Aiai, "Gusto ko, ninanamnam ko talaga na ako ang fifth member ng BLACKPINK, kaming mga Blinks. Love nila ako kasi Blink nga ako."
Dahil daw sa pagiging BLACKPINK fan niya, nagpaplano rin siyang gumawa ng tinapay sa Martina's Bread & Pastries na dedicated sa all-female Korean group at mga kapwa niya Blinks.
Aniya, "Alam mo, sa pagka-Blink ko, maglalabas nga ako ng tinapay na tatawagin kong Blink bread.
"Totoo, ang color niya is black-pink, tapos ang tawag ko sa kanya Blink bread para sa Blinks na kagaya ko."
Hanggang saan naman kaya aabot ang pagiging BLACKPINK fan ni Aiai?
Sagot niya, "Kung hindi pandemic ngayon, pupunta ako sa Korea para manood ng concert nila!"
Sa ngayon, natutuwa na raw siya na suportado ng kanyang mga anak ang kanyang pagiging fan.
Kwento niya, "Yung mga anak ko, alam nila na Blink ako, kaya binibilhan talaga nila ako ng [merch], may lights ako, binilhan din ako ng anak ko ng album. Mga mamahalin yung pero binibili nila para matuwa ako."
Ayon kay Aiai, kung magpe-perform pa rin daw siya ng BLACKPINK sa The Clash kung magkakaroon pa ng bagong hit ang grupo.
Biro pa niya sa huli, "May isa pa akong hindi nakakanta, yung "Pretty Savage" at saka yung kanta nila with Lady Gaga."
Tingnan ang mga nakatutuwang meme tungkol kay Aiai at sa umano'y pagiging fifth member niya ng BLACKPINK sa gallery na ito: