
Marami ang nagulat sa rebelasyon ni AJ Raval na meron na silang anak ni Aljur Abrenica. Tatlo ang anak niya sa aktor, at meron siyang dalawa sa naunang partner.
Ngunit paglilinaw ng aktres, hindi naman nila tinatago ang tungkol sa mga bata at sa katunayan, masaya pa nga sila na “natapilok” ang ama na si Jeric Raval at nasabi ang tungkol sa mga bata.
Sa pagpapatuloy ng panayam kina AJ at Jeric sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Huwebes, November 13, inamin ng aktres na masaya siya na nasabi na rin ng kanyang ama ang tungkol sa mga anak nila ni Aljur.
“Masaya po talaga ako nu'n kasi nu'ng time po na 'yun, nag-a-ask na po ako, nagpe-pray po ako ng freedom. And then 'yung tatay ko, biglang nadulas. Blessing in disguise, Tito Boy. Masaya kami, masaya ako. Lumalabas kami ngayon, kakain kami, hindi kami nagtatago,” sabi ni AJ.
Wala rin naman umanong problema si Aljur na nasabi na ni Jeric ang tungkol sa kanilang mga anak. Sa katunayan, ayon kay AJ, ayaw din itago ng aktor ang tungkol dito, at ang aktres lang ang may gustong itago sila.
“Ako lang po ang nagtatago sa mga tao kasi naniniwala din po ako sa evil eye, kaya ayoko rin pong ipakita 'yung mga bata,” sabi ni AJ.
Hindi rin naman umano isyu ang kanyang karera dahil alam ng mga boss ni AJ sa Viva at ng kanyang endorsements ang tungkol sa mga bata. Wika pa ng aktres, nagpaalam siya nang maayos sa kanila at binigyan naman siya ng oras ng mga ito.
KILALANIN ANG IBA PANG CELEBRITIES NA TINAGO RIN ANG KANILANG PREGNANCIES SA GALLERY NA ITO:
Samantala, aminado naman si Jeric na hindi niya sinasadya na madulas sa press. Aniya, nasa isang hiwalay na table lang siya, kakuwentuhan ang isang miyembro ng press, nang tanungin siya tungkol kay AJ.
“May kausap lang akong isang press yata, 'Kamusta na si AJ?' ganun. Ako naman, wala naman sa isip ko, 'Okay lang, malaki na 'yung mga anak.' Kasama nga pala sa press con 'yun. Mamaya, isa 'yun sa mga magtatanong. Kaya nung nandoon na ako, 'yun na 'yung mga tanong nila,” wika ni Jeric.
Pagbabahagi naman ni AJ, si Jeric din naman ang nagsabi na panahon na para ipaalam nila ni Aljur ang tungkol sa mga anak nila. Kaya naman, thankful din ang aktres, at maging si Jeric, na nabigyan siya ng pagkakataon para gawin ito sa naturang GMA Afternoon Prime talk show.