
Itinuturing si AJ Raval na isa sa mga pinakahinahangaang bagong aktres ng entertainment industry noong nagsimula siya taong 2019. Simula noon ay magtuloy-tuloy na ang kaniyang karera, mapa-sexy films man o TV series.
Kaya naman, laking gulat ng ilan nang biglang nawala si AJ sa mga pelikula at teleserye. Haka-haka ng ilan, ito ay dahil sa bali-balitang siya ang dahilan ng paghihiwalay nina Aljur Abrenica at Kylie Padilla, na pinabulaanan na ng dalawa.
Sa pagbisita ni AJ sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Miyerkules, November 12, nilinaw ng dating aktres na hindi naman siya pinigilan ni Aljur sa pag-arte. Sa halip, sariling desisyon niya ito dahil nawana na umano siya ng gana.
“Pararang nawalan ako ng gana, Tito Boy. Siyempre, sa mga bashing, bata lang ako nun, 20 lang ako nun na-experience ko yung mga bashing kaya nawalan din po ako ng gana,” sabi ni AJ.
Tanong sa kaniya ni King of Talk Boy Abunda, “Du'n sa bashing, sa lahat ng mga sinasabi, ano ang naglalaro sa isipan mo nun? Parang, 'Hindi ko na kaya, sobrang sakit'? What was that like?”
Pag-amin ni AJ, nasanay kasi siya sa tahimik na buhay nila sa farm ng amang si Jeric Raval sa Floridablanca, Pampanga. Hindi umano siya sanay na maraming tao ang nagbibigay ng hindi magagandang komento tungkol sa kaniya.
“So ito lang ang alam ko, magtago. Parang bumalik na lang ako du'n,” sabi ni AJ.
TINGAN ANG ILAN SA MGA KILLER RESPONSE NG CELEBRITIES SA KANILANG BASHERS SA GALLERY NA ITO:
Sa kabila ng mga natanggap na pamba-bash, marami rin naman ang nagtatanggol kay AJ, na ipinagpapasalamat ng aktres.
“Nagpapasalamat ako, Tito Boy, para sa mga taong kayang humarap para ipagtanggol ako at alam nila 'yung totoong story. Nagpapasalamat ako. grateful po ako sa kanila,” sabi ni AJ.
Malaki rin umano ang pasasalamat niya kay Jeric na kahit hindi naman magsalita o dumaldal, ramdam naman niya ang suporta sa mga kilos nito.
Panoorin ang panayam kay AJ sa video sa itaas.