
Mapapanood si Asia's Multimedia Star Alden Richards ngayong Sabado sa real life drama anthology na Magpakailanman.
Sa episode na pinamagatang "A Runner to Remember: The Jirome de Castro Story," gaganap si Alden bilang isang marathon runner na may kundisyong dystonia.
Ang dystonia ay isang movement disorder kung saan nagkakaroon ng involuntary muscle movements ang isang tao.
"It just so happened na 'yung kanya, cervical so it really involves the spine. 'Yun kasi 'yung parang [isa sa] pinaka crucial na parts na katawan natin, the spine, kasi nandiyan lahat eh--'yung balance, 'yung movement, mobility etc.," kuwento ni Alden.
SILIPIN ANG ILANG EKSENA NG EPISODE SA GALLERY NA ITO:
Bilang paghahanda, nakausap ni Alden si Jirome de Castro, ang taong isasadula niya ang talambuhay.
"Ang maganda lang dito sa story niya, despite his condition, marathon runner siya. I've never played a role with such condition. I was given a chance na makausap siya before we started taping," bahagi ni Alden.
Makakasama ni Alden sa episode si Kapuso actress Sanya Lopez na personal daw niyang ni-request na makapareha sa #MPK.
"Siyempre nakakatuwa. First time namin na magkatrabaho pero hindi niya pinaramdam sa'kin na first time," reaksiyon ni Sanya sa pagpili sa kanya ni Alden.
Dagdag pa ng aktres na dapat daw abangan ang ipapamalas na acting ni Alden sa episode.
"May mga intense na eksena, may mga iyakan, especially sa kanya," lahad ni Sanya na gaganap bilang supportive na asawa ni Jirome na si Geraldine.
Abangan ang natatanging pagganap ni Alden Richards sa "A Runner to Remember: The Jirome de Castro Story," September 27, 8:15 p.m. sa Magpakailanman.
Naka-livestream din nang sabay ang episode sa Kapuso Stream.