
Bagama't nagtapos na ang makasaysayang kampanya ni Alex Eala sa Wimbledon, hindi naman natitinag ang suporta ng mga Pilipino. Sa isang watch party, sama-samang ipinagdiwang ng mga tagahanga ang ipinakitang husay ng Pinay tennis star, habang ilang lokal na opisyal ay nagbabalak na palawakin ang tennis programs sa kani-kanilang mga lungsod.
Punong-puno ng sigawan, palakpakan, at pagwagayway ng mga watawat ang isang watch party sa FilOil EcoOil Centre habang tinututukan ng mga Pilipino ang laban ni Alex Eala kontra Italian tennis player na si Jasmine Paolini sa Wimbledon.
Bagama't nakuha ni Jasmine ang unang set, nanatiling mataas ang enerhiya ng mga nanood. Lalo pang naging kapana-panabik ang ikalawang set nang makalamang si Alex sa iskor na 4-3, dahilan upang mapatayo sa kani-kanilang upuan ang ilang tagasuporta.
Mas lalong umingay ang venue nang maiuwi ni Alex ang second set, na nagbigay ng pag-asang maipagpapatuloy niya ang kanyang impresibong kampanya sa prestihiyosong torneo.
Gayunman, nanaig si Jasmine sa deciding set, 6-3, na siyang nagtapos sa makasaysayang Wimbledon run ng Pinay tennis sensation.
Sa kabila ng resulta, marami pa ring netizens ang nagpahayag ng paghanga sa ipinakitang laban ni Alex.
"Malungkot po, talo eh. Pero maganda naman po 'yung laban. It was close. But 'yun nga, it is what it is. Bawi tayo next major, Alex," saad ng isang fan na nanood sa watch party.
May iba namang mas piniling tingnan ang mas malaking larawan at ang magandang kinabukasan na naghihintay sa batang atleta.
"Okay na okay. Lumaban nang maayos. Kahit naganda dapa-dapa, laban lang," sabi ng isang tagasuporta.
"Happy pa rin. It is not yet over. It's actually a start. Let's support Alex on her journey sa kanyang tennis career," wika ng isa pa.
Ayon naman sa isa pang manonood, marami pang pagkakataon para mas makilala si Alex sa world stage.
"She's very young, so there's still a lot of years left for her. She's just 21, so marami pa tayong... baka decades pa to see her play. So we're excited. Proud pa rin kami. Siyempre Pilipino kami. Kahit anong mangyari, Alex Eala pa rin."
Samantala, hindi lamang mga tennis fans ang na-inspire sa naging kampanya ni Alex. Maging ang ilang alkalde sa Metro Manila na dumalo sa watch party ay nagsabing pinag-aaralan na nila ang mga programang maaaring makatulong sa pagpapalago ng tennis sa kanilang mga lungsod.
Ayon kay San Juan Mayor Francis Zamora, nakikita niyang mas lumalaki ang interes ng publiko sa tennis dahil sa mga nagawa ni Alex.
"Because of the achievements of Alex, syempre 'yung interest in tennis mas lumalaki. So we will plan out, tingnan natin kung paano tayo makapagtayo ng isang tennis facility na pwedeng magamit ng ating mga kababayan."
Ibinahagi rin ni Navotas Mayor John Rey Tiangco ang kanyang paghanga sa naging performance ng Pinay tennis ace.
"In spite of the outcome, very proud tayo sa kanyang achievement. Unang-una, napakahirap na makalaro at masali sa main draw ng Wimbledon. Pero hindi lang siya nakasali sa main draw kundi seeded pa siya at umabot pa siya sa fourth round. At nung nakaraang laban tinalo niya 'yung defending champion."
Bagama't natapos na ang kanyang Wimbledon campaign, nananatiling inspirasyon si Alex sa maraming Pilipino, hindi lamang bilang isang world-class athlete, kundi bilang dahilan upang mas maraming kabataan ang mahikayat na subukan ang larong tennis.
ALEX EALA'S CAREER HIGHLIGHTS: