
Tila napa-throwback si Alfred Vargas nang makita niya muli ang isang clip na nagpaalala sa kanya ng isang proyekto na naging malaking parte ng kanyang showbiz career.
Para kay Alfred Vargas, isa sa mga hindi niya malilimutang TV projects ay ang Encantadia, ang hit fantasy series ng GMA na namayagpag noong 2005. Maalala na sa naturang serye, binigyang buhay ni Alfred Vargas ang karakter ni Aquil, ang magiting na heneral ng mga kawal ng kaharian ng Lireo.
Bukod sa kanyang tapang at galing sa pakikipaglaban, tumatak sa puso at isipan ng mga Encantadiks si Aquil dahil na rin sa kanyang malalim na koneksyon kay Danaya, ang Sang'gre na ginampanan ni Diana Zubiri sa orihinal na bersyon ng serye. Sa 2005 version, kasama nila noon sina Iza Calzado bilang Amihan, Karylle bilang Alena, Sunshine Dizon bilang Pirena, Dingdong Dantes bilang Ybarro/Ybrahim, at Jennylyn Mercado bilang Lira.
Ang tinutukoy ni Alfred Vargas na clip ay mula sa isang nakakatuwang eksena nila ni Diana Zubiri. Makikita sa video ang isang inis na inis na Danaya dahil sa tinititigan daw siya ni Aquil. Ang pilyong Lira na nanirahan sa mundo ng mga tao bago mapadpad sa Encantadia, binuyo ang kanyang Ashti na sabihin ang katagang "I love you" kay Aquil. Sa pag-aakalang ito ay expression ng pagka-yamot at masisindak niya ang heneral, buong tapang na sinabi ni Danaya kay Aquil ang "I love you!" bagay na ikinagulat ni Aquil dahil nauna nang ituro ni Lira sa kanya ang tunay at tamang kahulugan nito.
Para sa Aquil-Danaya shippers ng mga panahong iyon, pure kilig ang nasabing eksena. Matatandaan na ang pag-iibigan ng dalawa ay isa sa mga "compelling arcs" na nagpausad sa buong kuwento. Bukod sa ang kanilang love story ang nagbago ng "social class divide" sa Encantadia, ito rin ang nagbuklod sa mga taga-Lireo. At kumpara sa ibang pag-iibigan na nabuo sa istroya, tila ang Danaya-Aquil love story lang ang nanatili at nakalampas sa maraming yugto ng buhay at inkarnasyon.
Sabi ng isang commenter, "Yan gusto Kong love team dati e"
Dagdag ng isa pa, "Ayyhiiee tong Aquil tlga inaabangan q s ENGCANTADIA dati"
Sulat din ng isa, "Ang ganda ng chemistry ni diana zubiri at alfred vargas😊"
Kahit si Alfred Vargas, aminado rin na dama niya ang kilig sa Danaya-Aquil love story, dahil na rin sa naging pagsasamahan nila ni Diana Zubiri sa likod ng camera. Sa kanyang mga nagdaang media interviews, sinabi ni Alfred Vargas na ang kanilang friendship ni Diana Zubiri ang naging susi para mas maging convincing on screen ang pagmamahalan nina Aquil at Danaya.
Para sa award-winning actor at Unica Hija star, ang karakter na si Aquil sa Encantadia ay hindi lamang isang simpleng papel na ginampanan niya sa telebisyon. Ito ang naging pundasyon ng kanyang pananaw sa serbisyo at katapatan. Bilang pinuno ng mga kawal sa Lireo, ipinamalas ni Aquil ang pagiging disiplinado, matapang, at may matinding malasakit sa kanyang pinamumunuan—mga katangiang pilit na isinasabuhay ni Alfred sa kanyang personal na buhay. Ayon sa kanya, ang disiplinang natutunan niya sa pagganap bilang isang mandirigma ay nakatulong sa kanya upang maging isang mabuting ama para kina Alexandra Milan, Aryana Cassandra, Alfredo Cristiano IV at Aurora Sofia, at asawa para kay Yasmine Espiritu.
Sa kanyang karera naman bilang isang public servant, ginawa rin niyang inspirasyon ang "hustisya at integridad" ni Aquil sa paglilingkod. Naniniwala si Alfred (na nakapagsilbi na bilang Congressman at Councilor) na ang tunay na pinuno ay dapat marunong makinig sa kanyang mga nasasakupan at handang magsakripisyo para sa ikabubuti ng nakararami, gaya ng katapatan ni Aquil sa mga Hara ng Lireo. Ang pagiging "mandirigma para sa bayan" ay hindi na lamang tungkol sa pakikidigma sa entablado, kundi sa paglaban para sa mga programa sa edukasyon, kalusugan, at kabuhayan na mag-aangat sa antas ng pamumuhay ng kanyang mga kinatawan.
RELATED CONTENT: Alfred Vargas's youngest daughter Aurora looks adorable in pre-birthday photoshoot