
Bagama't bahagyang humupa na ang baha sa Macabebe, Pampanga, patuloy pa rin ang pinsalang naidudulot nito sa mga mamamayan ng naturang probinsya.
Ito ang naging focus ni Aljon Mendoza sa bagong online documentary na ginawa niya, na pinamagatang “Anak ng Baha.”
Sa halip na muling pag-usapan ang napakakontrobersyal na isyu ng flood control projects, ipinakita ng binatang aktor ang buhay ng ilang mga residente na ilang dekada nang nagtitiis sa baha.
Ayon kay Aljon, nagsimula ang ideya niya sa kanyang bagong documentary sa emosyonal na interbyu niya sa kanyang ina.
Kuwento niya, “Nag-start po akong mag-shoot sa loob ng bahay namin at ang unang-una kong nakausap, yung parents ko. Wala akong script, wala akong alam na itanong. Talagang spontaneous lang, 'tapos, nabigla ako dahil biglang umiyak ang nanay ko.
“Kinukumusta ko lang sila. Kumusta sila kapag wala kaming magkakapatid. Mabigat kasi hindi po ako sanay na makita ang nanay ko na umiiyak.
“Ganoon pala yung nararamdaman niya. Hindi lang para sa pamilya namin yung iyak niya, para rin sa mga kapitbahay namin na affected ng baha, dun ako na-touch.”
Sa teaser ng ipinakita niya sa entertainment media, kasama ang GMANetwork.com, nitong Huwebes, November 26, makabagbag-damdamin ang kuwentong inilahad ng isang residenteng nagngangalang Mergie. Pumanaw ang kanyang ama kamakailan matapos malunod sa baha sa loob ng kanilang bahay.
“Umalis lang po si Ate Mergie sa bahay nila para bumili ng ulam. Pero pagbalik niya, nakalutang na ang tatay niyang disabled, hindi na niya maituwid ang mga binti niya,” paglalahad niya.
Hindi ito ang unang pagkakataong gumawa ng dokumentaryo si Aljon tungkol sa patuloy na pagbaha sa Macabebe, Pampanga.
Sa katunayan, kahit sa kanyang short reels, madalas niyang ipinapakita ang sitwasyon sa kanilang bayan.
Ayon sa dating Pinoy Big Brother housemate, ginagawa niya ito para hindi malimutan ng publiko ang tunay at mas malaking isyu kaugnay nito.
“Sana po may patutunguhan. Sana hindi lang siya pagka-upload, dumaan lang at malimutan na ulit.
“Actually, meron po akong nakausap na case study na nagustuhan ko yung sinabi niya, na yung iba po sa amin, galit na galit habang baha, pero kapag wala na yung baha, tuyo na, nakakalimutan na yung issue. Patay na agad yung issue.”
Dagdag pa niya tungkol sa kanyang bagong documentary, “Siguro ang pinaka-takeaway ko rito, iba-iba tayo ng mga pinagdadaanan, pero yung pinaka-common denominator namin, lahat kami apektado, lahat kami mga biktima.
"Kahit ano pa man ang mga estado [namin sa buhay], hindi kami nakatakas sa ganitong sitwasyon. Pero para sa akin, ipinaglalaban namin na we deserve better.”
Malaking bahagi rin ng documentary ang batikang TV host at manager ni Aljon na si Boy Abunda. Sinulat niya ang kantang “Anak ng Baha,” na ginamit na theme song ng documentary.
Ayon sa TV at movie scriptwriter na si Jessie Villabrille, na sumulat ng voice-over narration ni Aljon, nakatutok sa naturang proyekto si Boy.
“Parang iniisip namin na almost 30 years na yung baha sa Macabebe. So, sinasabing na dalawang dekada, nagtitiis yung mga tao, akyat-baba yung baha sa Macabebe.
“'Tapos, ang dami nang mga tao na, in a way, nag-grow na lang sa baha, tinanggap na lang yung baha. So, parang tayo kapag gano'n kasi, parang yung proseso ng pagtanda natin, medyo nag-iiba yung acceptance natin. Parang akala natin normal na yung baha.
“So, ang dating itong mga tao na nakaka-experience ng baha dito sa Macabebe, parang, in a way, kino-consider na rin sila na parang pinanak sila sa baha, inanak sila ng baha, at nagbago na lang yung perspective nila, katulad ni Aljon, kapag dating sa baha, et cetera.
“So, doon nanggaling yung concept na what if tawagin na lang natin siyang 'Anak ng Baha.'”
“Parang akala natin, normal na yung baha, so ang dating, itong mga taong na-experience ng baha sa Macabebe, parang kino-consider na rin sila na ipinanganak sa baha.”
Mapapanood ang “Anak ng Baha” documentary sa social media accounts ni Aljon simula Lunes, November 30.
Samantala, narito ang ilang celebrities na naglahad ng kanilang opinyon tungkol sa controversial flood control projects: