
Kasunod ng pagtatapos niya sa kolehiyo, plano ni Aljon Mendoza na ipagpatuloy ang gumawa na personal na dokumentaryo tungkol sa flood crisis sa kanyang hometown sa Macabebe, Pampanga.
Handa na muli si Aljon Mendoza na ibigay ang kanyang buong atensyon sa kanyang showbiz career at iba pa niyang interest tulad ng paggawa ng personal na dokumentaryo at vlogging.
Natapos na kasi ng binatang aktor ng kursong Bachelor of Science in Business Administration, Major in Marketing, sa Philippine Women's University.
“Para akong nabunutan ng tinik. Ngayon, mas makakapag-focus na ako sa passion at dreams ko na gusto kong umarte. At the same time, parang siyang [katuparan] ng promise ko sa sarili ko na makapagtapos ako ng pag-aaral.” sabi ni Aljon nang makausap siya ng GMANetwork.com at ilang entertainment media kamakailan.
Sa naturang intimate interview, nabanggit ni Aljon na gusto niyang gumawa ng panibagong dokumentaryo tungkol sa patuloy na pagbaha sa kanilang lugar sa Macabebe, Pampanga.
Sa katunayan, ngayon sunud-sunod ang malalakas na pag-ulan, pinayuhan daw si Aljon ng kanyang pamilya na huwag munang umuwi sa Macabebe dahil sa sobrang taas ng baha.
“Gusto ko ulit i-document yung nangyayaring baha sa amin kasi naaawa na talaga ako sa mga nakatira doon, lalung-lalo na sa pamilya ko. Kasi, kapag nagbi-videocall kami, ipinapakita nila yung baha hanggang dibdib na, patuloy pa rin ang pagtaas ng tubig.
“Marami pa rin po [ang mga nakatira doon] kasi yung iba wala naman silang choice na lumipat. Yung iba, itinataas na lang nila ang mga gamit nila, kanya-kanyang diskarte. Sa bahay namin, nagtaasan ng gamit. Yung isang kuwarto, nalooban na rin ng tubig.”
Dagdag pa niya, “Yung buong Macabebe po, halos wala nang makitang daan, puro tubig na lahat.”
Related gallery: Celebrities and influencers share their take on trending flood control projects controversy
Ayon kay Aljon, isa ang matinding pagbaha Macabebe sa mga naging dulot ng controversial flood control projects.
“Ghost project po talaga,” aniya.
“Madami akong nakikitang nagpo-post about their frustrations sa nanagyayari. I mean, alam naman namin na, of course, natural ano pa rin yung bagyo. Pero that's why meron tayong pondo, di ba, para ma-handle yung ganitong situations. Nababalita naman na naggo-ghost project talaga sila.”
Kaya ang panawagan niya sa gobyerno: “Sana maawa kayo. Sana may gawin kayo kasi maraming humihingi ng tulong and yet wala pa ring nangyayari.”
Dagdag pa niya, “Siguro, bilang concerned citizen lang ako, dapat bare minimum na yung relief goods. Kasi, di ba, kung sinasabi nilang ito na yung normal, dapat meron tayong pondo para sa mga ganitong situation.”
Sa parte ng kanyang pamilya, wala pa raw sa plano ang paglikas dahil tila sentimental ang halaga ng kanilang bahay, na minana pa ng kanyang ama sa kanyang lolo't lola.
Kaugnay ng paggawa ng dokumentaryo, nais raw ni Aljon na mas mahasa pa sa paggawa nito.
“Naghahanap nga ako ng kung saan ako puwedeng mag-aral ng pagsusulat. Gusto ko kasi kapag nag-release ako ng dokyu ko, talagang pulido.
“Meron kasi akong nakita sa social media, si Boss Toyo, parang nagkaroon siya ng conflict, kinontra niya si Kara David. Importante kasi na kapag nagse-share ka ng ganyang information, nagpa-fact-check ka talaga, nagre-research ka nang tama,” pagtatapos niya.