
Kilala ang mga batikang aktres na sina Alma Moreno at Snooky Serna bilang Regal Babies o mga aktor na unang nakilala o sumikat mula sa mga pelikula ng Regal Entertainment. At bilang si Mother Lily Monteverde ang founder ng nasabing production company, malaki ang pasasalamat ng dalawang aktres sa batikang producer.
Sa Fast Talk with Boy Abunda nitong Martes, August 6, inalala nina Alma at Snooky kung paano nila nakilala si Mother Lily at kanilang simula sa Regal Entertainment. Dito, ibinahagi rin nila kung ano ang ipinagpapasalamat nila sa pagkakakilala nila sa martriarch ng Regal Entertainment.
Isa sa mga ipinagpapasalamat ni Alma ay ang pag-aalaga ni Mother Lily sa kaniya noon. Aniya, bumaba man o tumaas ang career niya noon ay hindi siya iniwan ng batikang producer.
“Down po ako, walang-wala po ako, ang una pong tumulong sa'kin, si Mother Lily. Hindi mo na ho kailangan hingian, pero mararamdaman niya dahil nanay na namin po siya e,” kuwento ni Alma.
Dagdag pa nito, kahit pa matagal kayong hindi nagkita, oras na malaman ni Mother Lily na may probelma ka ay lagi siyang handang tumulong.
“You know, si Mother, maski matagal ka niyang [hindi] nakita, pero 'pag nalaman niyang merong problema ka, nandiyan. Kaya ho 'yung nalaman ko na may sakit siya, sabi ko, 'Naku, ang daming masasaktan nito. Kawawa naman, ang daming mga artista nito, sana nakita niya, matutulungan pa niya,'” pag-alala ni Alma.
BALIKAN ANG PAGLULUKSA NG ILANG CELEBRITIES SA PAGPANAW NI MOTHER LILY SA GALLERY NA ITO:
Para naman kay Snooky Serna, malaki ang pasasalamat niya sa pagiging maternal ni Mother Lily sa kanila. Kaya naman kinuha ng batikang aktres ang pagkakataon na humingi ng tawad para sa mga pagkakataon na naging “problematic” siya.
“I want to take this, I know she's still here with us, to say sorry also. Kasi, you know Tito Boy, may mga times din akong napagdaanan na naging ano rin ako siguro, medyo problematic,” kuwento ni Snooky.
“But Mother was always there to understand, to be by my side, there was a time na talagang nasa salas siya natutulog just to make me feel that she's supporting me, just to snap me out of the depression, and very gracious siya in every way,” pagpapatuloy ng aktres.
Dagdag pa niya, “If it were not for Mother Lily na nagpakasangkapan sa Panginoon na tulungan kami, hindi siguro magiging maayos ang mga buhay namin ngayon.”