
Patuloy na nakatatanggap ng pagmamahal at suporta si Lexi Gonzales bilang isa sa mga bagong housemate ng Pinoy Big Brother Collab 3.0.
Sa isang Facebook post, nagpaabot ng nakaaantig na mensahe ang ama ng Sparkle artist na si Jonathan Gonzales para sa kanyang anak matapos itong masangkot sa hindi pagkakaunawaan kasama ang kapwa housemates na sina Lorelaine Sanosa at Daniela Stranner sa loob ng Bahay ni Kuya.
“Anak, nakita ko yung nangyari. Alam kong ang gusto mo lang ay maging maayos kayo diyan sa loob,” sabi ng ama ni Lexi.
Tiniyak naman ni Jonathan kay Lexi na walang sinuman ang may kasalanan sa nangyaring hindi pagkakaunawaan.
“Hindi mo kasalanan na may nagalit. Minsan kasi, may mga tao na gusto lang maglabas ng sama ng loob, pero hindi pa handa na ayusin,” sabi niya.
Dagdag pa niya, “Huwag mong sisihin ang sarili mo. Ginawa mo 'yung tama, 'yung galing sa mabuting puso. Sa susunod, hayaan mo na lang sila. Hindi mo trabaho na ayusin ang away na hindi sa'yo.”
Sa huling bahagi ng kanyang post, ipinahayag din ni Jonathan kung gaano siya ka-proud sa kanyang anak at muling tiniyak ang pagmamahal at suporta niya rito.
“Proud ako sa'yo. Manatili ka lang na mabuti, pero protektahan mo rin ang sarili mo,” sabi niya. “Mahal kita.”
Isa si Lexi sa mga bagong housemates kasabay nina Eugene Reggio, Race Matias, Victoria Vargas, at Yza Uy.
Huwag palampasin ang mga susunod na kaganapan sa Pinoy Big Brother Collab 3.0.
Mapapanood ito sa GMA at Kapuso Stream, Lunes hanggang Biyernes, 9:35 p.m., tuwing Sabado, 6:15 p.m., at 4:55 p.m. naman tuwing Linggo.
RELATED GALLERY: Meet the 'Pinoy Big Brother Collab 3.0' housemates