
Nakilala at sumikat noon ang Makiling star na si Andrea del Rosario bilang isang aktres, at isa sa mga miyembro ng grupong Viva Hot Babes. Pero ayon sa kaniya, hindi naman talaga niya ginustong mag-artista.
Sa Updated with Nelson Canlas podcast, ikinuwento ni Andrea na sinamahan lang niya noon ang kaniyang dating boyfriend para mag-audition. Ngunit ayon sa aktres, tila nagkaroon ng “twist of fate” dahil siya ang nakuha sa audition.
Pag-alala niya, “Chaperone lang, ganun. And then, 'Halika nga dito.' Parang pinagbili lang na suka tapos na-i-cast na, ganoon. Ganoon yung story.”
Pagpapatuloy ni Andrea, “But of course as I look back, nandoon pala 'yung love. Alam mo 'yun? Like, wow, okay. I wouldn't be here 30 years after if I didn't love it, 'di ba?”
BALIKAN ANG NAGING CAREER NI ANDREA BILANG ISA SA MGA MIYEMBRO NG VIVA HOT BABES SA GALLERY NA ITO:
Ayon kay Andrea, nagsimula siya sa show na Lily Tubig sa Channel 9, kung saan nakatrabaho niya sina Shareena Scott at Megastar Sharon Cuneta. Ito rin umano ang unang pagkakataon na nakatrabaho niya ang batikang direktor na si Joel Lamangan.
Pag-alala ni Andrea, “I was so fortunate that na-experience ko 'yun. Kasi back in the day, iba 'yung disiplina, iba 'yung approach. A lot of actors would be like, they dreaded it. But ako, parang I needed it.”
Sabi ni Andrea, pakiramdam niya ay kailangan niya ang ganoong disiplina na mula sa batikang direktor na aminado siyang nadala pa rin niya hanggang ngayon.
“I'll never be late [for] a taping. I'll always be like 15 minutes earlier than the catering service. Marami akong natutunan ng panahon na 'yan. I'm just happy that I have it,” aniya.
Samantala, sinabi rin ni Andrea na isa sa mga pagkakaiba ng mga tapings noon ay mas may structure at professionalized na ito ngayon. Kuwento pa ng aktres, hindi pa uso noon ang portalets o portable toilets, at mga tent para sa talents.
“Nasa kotse lang kami. May kanyang-kanyang kaming kotse. I would do my assignment inside the car,” sabi niya.
Pag-alala pa ni Andrea, wala pang mga sequence guides noon kaya naman, maganda umano ang nakikita niyang “evolution” ng production ng mga serye at pelikula.
“It's nice to see 'yung evolution, yung changes and all. And to be able to experience it. So we've gone a long way. At least we've gone a long way,” sabi niya.
Pakinggan ang buong interview ni Andrea dito: