
Tapos na ang filming ng international movie project ni Andrea Torres na Pasional.
Matatandaang last year, lumipad patungong Argentina ang aktres para mag-shoot ng mga eksena doon sa loob ng dalawang linggo.
Nitong nakaraang April naman, dumating sa Pilipinas ang cast at crew ng Pasional para ipagpatuloy ang pagshu-shoot ng mga eksena ng pelikula sa Caramoan, Camarines Sur at sa Coron, Palawan.
Makakapares ni Andrea sa Pasional si Marcelo Melingo, isang beteranong aktor at direktor mula sa Argentina.
"Si Marcelo, sobrang friendly. Ang ganda ng unang pagkikita namin kasi talagang napakamaalaga niya sa akin. Napaka gentleman niya sa akin noong kumain kami sa labas with the team," paglalarawan ni Andrea sa leading man.
Tinutulungan din daw siya nito sa mga eksena nila, lalo na at isang interracial couple ang gaganapan nila sa pelikula.
"Kapag ginagawa namin 'yung eksena--especially kapag may Spanish lines ako, tinuturuan niya 'ko. Ganoon naman din ako sa kanya, tinuturan ko siya [ng English,]" pahayag ng aktres.
Kahit daw sa likod ng camera, hindi raw naging hadlang ang language barrier sa kanilang dalawa ni Marcelo.
"Madaldal siya. Mahilig siyang makipagkuwentuhan. Minsan nag-uusap kami na parang minumuestra na lang naming dalawa, nagkakaintindihan kami. Minsan naman kumukuha 'yan ng mag-i-interpret. Minsan naman siya mismo, tina-try niya mag-English," kuwento ni Andrea.
Dahil dito, nagkaroon sila ng connection at lubos itong na-appreciate ni Andrea lalo na kapag may mga mabibigat silang eksena.
"Very happy ako na may ganoon kaming connection kasi at least 'yung mga eksenang medyo kailangan makita talaga 'yung love namin sa isa't isa, natawid naman namin na happy 'yung direktor namin na writer din noong story," aniya.
Sa Pasional, gaganap si Andrea bilang tango dancer na si Mahalia habang si Marcelo naman ang biologist na si Norberto.
Kahit may agwat sa edad, magkaiba ang lahit at may bahagyang language barrier, mahuhulog pa rin ang loob nila sa isa't isa.
Ang Pasional ay isinulat at idinirek ni Francisco D´Intino at produced ng Malevo Films, GMA Network, Stagecraft at Maxione.
Nakatakda itong ipalabas sa Pilipinas, Argentina and iba pang piling mga bansa.
Samantala, silipin ang second half ng filming ng Pasional sa Pilipinas sa gallery na ito: