
Natupad na ang isa sa mga pangarap ng dating Black Rider actress na si Angeli Khang na makatanggap ng acting award! Nasungkit ng sexy actress ang Best Actress Award mula sa Taipei International Film Festival para sa pelikula niyang Silip sa Apoy.
Inanunsyo ni Angeli Khang ang magandang balita sa kaniyang Facebook page, kalakip ang ilang litrato kung saan makikita siyang hawak ang kaniyang tropeo. Sa isa pang litrato, makikita ang aktres kasama ang iba pang awardees.
“I remember, just last month. I told in an interview that my dream is to have an award. Finally! Thank you Taipei International Film Festival,” caption niya sa post.
BALIKAN ANG CELEBRITIES NA NAKATANGGAP NG INTERNATIONAL ACTING AWARDS SA GALLERY NA ITO:
Sa panayam ni Angeli Khang sa episode ng Updated with Nelson Canlas podcast, inamin niyang bata pa lang ay pangarap na talaga niyang maging isang artista. Ngunit nagsimula umano ang kaniyang career sa pagmo-model.
Kuwento ni Angeli, nakita ng manager niya ngayon ang mga posts niya bilang model at inalok siya maging isang artista.
“Du'n na po nagsimula 'yung pag-acting ko sa Viva and now, andito na ako sa Black Rider,” sabi ng aktres.
Marami na rin ang nakapansin ng galing ni Angeli sa Black Rider. Pag-amin ng aktres, isa sa mga pinanghuhugutan niya para sa mga eksena ay ang kaniyang pamilya.
Aniya, “'Pag lagi kong nasa utak, 'pag pinanood ng family ko or ng mga loved ones ko 'yung sarili ko in front of [the] screen], even myself, I wanna see myself the confident me.
“Lagi ko pong nilalagay sa isip ko na kung pano ako magiging better as an artist at makita ng mga tao na 'Uy, iba 'to a, magaling 'to.' Kaya gusto ko po laging kahit man sa intimate scenes or outside intimate scenes, talagang sineseryoso ko po. Gusto ko makita ng mga tao na magaling ako umakting,” sabi ni Angeli.